Pre-demolition conference para sa mga kuwalipikadong underprivileged and homeless ng PCUP, ayos!


ISA rin sa mga programa ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ang magresolba ng mga isyu na makaaapekto sa mga maralita sa usaping pag-access sa lupa at pabahay, basic services at livelihood and employment.
Para sa ating kaalaman, ang dispute resolution ay parte ng ating mandato upang ibigay ang pinakaangkop na solusyon sa problemang posibleng kaharapin ng mga maralita.
Tanong: Magandang araw, Sir Alvin! Mayroon kaming lupa sa Quezon na hindi namin magamit kasi tinirhan na ito ng mga tao. Nakaaawa naman kapag pinaalis sapagkat mahihirap lang sila, ang kaso, hindi naman namin mapakinabangan ‘yung pinaghirapan ng pamilya namin. Hindi rin sila nagbabayad ng kahit magkano. Ano ang maipapayo ninyo sa amin? — Pau
Sagot
Magandang araw din, Pau! Bilang may-ari ng lupa, karapatan ninyong gamitin ito sa paraan na gusto ninyo. Kung balak ninyong gawin itong residential o commercial space, nasa inyo ang desisyon dahil kayo ang legal na nagmamay-ari nito.
Ngunit, kung sakali man na paalisin ninyo ang mga nakatira roon gamit ang utos ng korte at napag-alaman na sila ay pasok sa kuwalipikasyon bilang underprivileged and homeless ng PCUP, kakailanganin nating sumabak sa Pre-Demolition Conference o PDC upang masiguro na makatao at naaayon sa batas sa pagpapaalis dito.
Ang PDC din ay tinitiyak na mayroong sapat na ayuda ang mga maaapektuhan tulad ng relokasyon o financial assistance na katumbas ng 60 days minimum wage bago ito mag-issue ng certificate for police assistance.
Dahil nararamdaman natin ang concern ninyo sa mga maaapektuhang pamilya kung gagamitin na ninyo ang lupa, maaari natin silang isabak sa social preparation activities ng PCUP upang iorganisa sila, i-educate sa iba’t ibang klase ng land acquisition at mabili ang lupa ninyo.
Gayundin, maaari nating subukan na ipasok ito sa Community Mortgage Program o Direct Negotiated-Initiated Project upang magkaroon sila ng kasiguraduhan sa paninirahan. Nagamit na natin ang lupa, nakatulong pa tayo sa mahihirap!
Tutulungan tayo ng PCUP na ma-assess ang kalagayan ng inyong lupa at ibigay ang pinakamainam na solusyon na win-win sa lahat.
Kung kayo ay mayroong katanungan o suhestiyon, maaari kayong mag-email o sumulat sapcup.media2019@gmail.com, sa Official Facebook Page na www.facebook.com/pcupPH at gamitin ang hashtag na #PCUPatyourService. Maaari rin kayong bumisita sa ating tanggapan sa PCUP Office, 4th floor DHC Bldg., 1115 EDSA, Project 7, Quezon City.





Comments