Mga pasaherong madalas magkansela ng booking sa Grab, lagot!

TILA napuno na ang Grab dahil sa mga pasaherong madalas na nagkakansela ng kanilang booking, gayundin, ang mga hindi nagpapakita sa pick-up point.
Kaya, simula kahapon ay nagkaroon ng bagong rules and regulation ang Grab hinggil sa nasabing problema.
Ayon sa Grab, dahil namo-monitor nila kung ang driver o ang pasahero ang nagkansela ng booking, nagsagawa sila ng reward at punishment para sa mga ito.
Kaya naman ang mga pasaherong maaapektuhan ng pagkansela ng driver sa booking ay awtomatikong makatatanggap ng 30 Grab rewards point habang ang mga makikitaan ng madalas na pagkansela ng booking ay maaaring masuspinde ang account sa loob ng 24 oras.
Dagdag pa rito, magkakaroon din ng P50 cancellation fees at no-show fees na babayaran ang mga pasaherong nagkansela o hindi nagpakita sa pick-up point kung saan ang nasabing multa ay sisingilin sa susunod na booking ng pasahero.
Maituturing na madalas ang pagkansela ng booking ng pasahero kung ginawa niya ito nang dalawang beses sa loob ng isang oras, 3 beses sa isang araw o 5 beses sa loob ng isang linggo.
Gayunman, makatarungan naman ang nasabing rules, huwag lang sanang magloko ang kanilang system na posibleng mangyari kung saan maraming pasahero ang magrereklamo.
Maliban pa rito, sana ay masagot din ang tanong na paano ang mga pasaherong nagkakansela dahil nagmamadali at nababagalan sa driver nila na madalas na nagiging senaryo ngayon? Hmmm…
Sana, sa bagong rules and regulations ng nasabing transport network vehicle services (TNVS) ay walang maging problema para maging maayos ang biyahe ng lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments