MAY 28 NA ANG GOLD MEDAL NG ‘PINAS SA ARAFURA GAMES
- Alvin Olivar
- May 1, 2019
- 1 min read

KUMUHA pa ng sampung gintong medalya ang Pilipinas sa Arafura Games noong Lunes upang malagpasan ang naiuwi nito noong 2011 kung kailan huling ginanap ang naturang kompetisyon. Sa pagsungkit ng 10 ginto ay umakyat na sa 28 ang gintong medalya ng Pilipinas para malampasan ang 27 na naiuwi nito noong 2011. Mayroon na ring 41 silvers at 24 bronzes ang bansa sa kampanya ng Arafura Games na sinuportahan ng Philippine Sports Commission at Standard Insurance.
Nagkamit ng dalawang gintong medalya si Zoe Marie Hilario sa swimming pagkaraang manalo sa women’s 15-16 200m backstroke at 200m individual medley.
Nakuha ni Hilario ang ginto sa 200m backstroke sa oras na 2:30.63 upang makuha ang bagong Arafura Games record. Pawang mga bagong Arafura Games record ang naitala ng iba pang swimmers na sina Ivo Nikolai Enot (2:21.42) sa men’s 13-14 200m backstroke, Ray Martin Yarra (2:25.59) sa men’s 13-14 200m butterfly, John Martin Yarra (2:25.59) sa men’s 17 and over 200m butterfly (2:14.05), John Paul Elises (2:14.47) sa 15-16 year old men’s butterfly, at Samuel Alcos (29.77) sa men’s 17 and over 50m backstroke.
Nagwagi rin si Romel Bautista sa men’s 400m hurdles at ang men’s at women’s 4x400m relay sa athletics.





Comments