top of page
BIDA - CUP OF JOE, IPINABOBOYKOT SA DAVAO, BABATUHIN NG DURIAN NG MGA DDS-FB Cup of Joe.jp

Bagong contribution rate ng SSS, mabuti ang epekto sa miyembro at benepisaryo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 1, 2019
  • 3 min read

TINATAYANG aabot sa mahigit P178.35 bilyong benepisyo ang ipinagkaloob ng Social Security System (SSS) sa mahigit 3.62 milyong miyembro nito noong 2018.

Ang mga benepisyong ito ay para bigyan ng tulong-pinansiyal ang mga miyembro at pamilya nila sa panahon ng pagreretiro, pagkakasakit, panganganak, pagkabalda at kamatayan.

Sa mga darating na buwan, maaasahan ng mga miyembro ng SSS na mas tataas at darami pa ang mga benepisyong maibibigay ng ahensiya.

Dahil ngayong Abril, ipinatupad na ang unti-unting pagtaas ng contribution rate at pagbabago sa monthly salary credit (MSC) ng ahensiya, alinsunod sa Batas Republika Blg. 11199 o Social Security Act of 2018. Ang dating 11% contribution rate ay magiging 12% at ang dating minimum MSC naman na P1,000 ay magiging P2,000, habang ang dating maximum MSC na P16,000 ay magiging P20,000.

Ano ang magiging epekto nito? Una, ang mga pagbabagong ito ay mas patatatagin ang katayuang-pinansiyal ng ahensiya. Sa buong implementasyon ng bagong contribution schedule na nakasaad sa batas, madaragdagan ang kasalukuyang fund life ng SSS ng 13 pang taon. Ang dating fund life na aabot lamang sa 2032 ay aabot na hanggang sa 2045. Ibig sabihin, mas marami pang miyembro ang makikinabang sa mga benepisyo ng ahensiya sa hinaharap.

Ikalawa, bibigyan nito ng kaka­yahan ang SSS na magbigay ng mas mataas at maraming makabuluhang benepisyo para sa mga miyembro.

Kapag tumataas ang MSC na pangunahing pinagbabatayan ng halaga ng mga benepisyo, tumataas din ang halagang matatanggap ng mga miyembro.

Halimbawa, sa dating maximum MSC na P16,000, ang pinakamataas na maaaring matanggap ng miyembro na sickness benefit ay P480 kada araw, samantalang, sa bagong maximum MSC na P20,000 ay maaari itong umabot sa P600 kada araw.

Isa pang halimbawa ay ang pensiyon, sa dating maximum MSC, umaabot sa P6, 400 ang basic monthly pension ng retirado. Sa bagong iskedyul, ito ay maaaring umabot sa P8, 000.

May karagdagang benepisyo pa para sa mga miyembro dahil ipatutupad na rin ang Unemployment Benefit. Ito ay tulong-pinansiyal sa mga employed member kabilang na ang mga kasambahay at OFW na sapilitang nawalan ng trabaho.

Ang Unemployment Benefit ay katumbas ng dalawang buwan na kalahati ng average MSC ng lahat ng hulog ng miyembro sa SSS.

Ikatlo, ang mas pinatatatag na pondo ng ahensiya rin ang pansamantalang pagkukunan ng pantustos sa pagpapatupad ng 105-Day Expanded Maternity Leave Law o Batas Republika Blg. 11210.

Sa pagpapatupad ng nasabing batas, magiging 105 days na ang maternity leave mula sa dating 60/78 days. Tataas din ang halaga ng maternity benefit. Dati, ang pinakamataas na tulong-pinansiyal na natatanggap sa SSS ng nanganak ng normal deli­very ay P32, 000 ngunit, sa bagong batas, aabot na ito sa P70, 000.

Ilan lamang ito sa mga magiging epekto ng pagtaas ng contribution rate at MSC ng SSS. Naiintindihan ng SSS na mahalaga para sa mga manggagawang Pilipino ang bawat piso na kanilang kinikita. Kaya naman nais ipaunawa ng ahensiya sa mga miyembro nito ang kaisipang, “work, save, invest and prosper”. Ang pagtaas ng kanilang hulog ay pagdami rin ng kanilang ipon o investment na magagamit nila sa oras ng panga­ngailangan.

◘◘◘

Nais nating ipaalam sa mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Inaanyayahan natin ang mga pensiyunado na nais mag-avail ng Pension Loan Program na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.

Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page