top of page
Faith Da Silva at Sam Verzosa - IG.jpg

Worried na may diabetes dahil malimit umihi sa gabi

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 30, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Ako ay 49 years old at nagtatrabaho bilang driver. Ang problema ko ay madalas akong ihi nang ihi, lalo na sa gabi. Ang sabi ng asawa ko ay baka raw may diabetes ako. Kung sakali man na ako ay diabetic, ano ang dapat kong gawin? — Alfredo

Sagot

Sa diabetes, parang tubo lang ang katawan ng tao kung saan ang tubig na iniinom ay agad din inilalabas ng katawan sa pamamagitan ng pag-ihi. Tinatapon ng katawan ang sobrang asukal sa dugo sa pamamagitan ng pag-ihi at sumasama ang tubig sa asukal kaya ang pasyente ay ihi nang ihi. Gayunman, dahil sa kaiihi ay nauuhaw ang pasyente at hindi maiwasan na inom na ito nang inom ng tubig o anumang uri ng likido.

Ito ay tila sirkulo kung saan iinom tapos iihi rin. Ganyan ang nangyayari kapag hindi kontrolado ang diabetes at mataas ang asukal sa dugo. Ang madalas na pag-ihi (polyuria) at palaging nauuhaw (polydipsia) ay ang mga sintomas ng diabetes. Kadalasan ay nawawala ito o naiibsan kapag umiinom ng gamot, nagda-diet at exercise dahil bumababa ang asukal sa dugo.

Ang tawag naman sa pagkakaroon ng asukal (glucose) sa ihi ay “glucosuria” o “glycosuria”. Sinasala ng mga bato (kidney) ang dugo. Ang asukal ay kailangan ng katawan kaya ina-absorb ito ng bato, gayundin, ang mga basura sa dugo ay itinatapon sa ihi, gayunman, mayroong limitasyon ang kayang i-absorb ng kidneys. Kapag ang asukal sa dugo ay lumagpas sa 180 mg/dL, hindi na ito maa-absorb ng kidneys kaya lumalabas ang asukal sa ihi at may sumasamang tubig sa asukal kaya dumarami ang ihi o dumadalas ang pag-ihi ng pasyente.

Gayundin, napapansin na ihi nang ihi ay sa gabi, ang tawag sa malimit na pag-ihi sa gabi ay “nocturia”.

Gayunman, tandaan na hindi lahat ng madalas umihi o ihi nang ihi sa gabi ay dahil sa diabetes sapagkat marami pang ibang puwedeng dahilan tulad ng pagbubuntis, impeksiyon sa ihi o problema sa prostate sa mga lalaki.

Kung nakararamdam nito, makabubuti kung magpakonsulta agad sa doktor para malaman kung ano ang sanhi ng madalas na pag-ihi at kung kinakailangan ng gamot para rito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page