School database na naglalaman ng personal info ng mga estudyante, gawing makabago at ligtas
- Win Gatchalian
- Apr 30, 2019
- 2 min read

ANG school record-keeping ang isa sa mga bagay na hindi natin gaanong nabibigyan ng atensiyon ngunit, ito ay napakahalaga at nagsisilbing may malaking epekto sa edukasyon ng mga mag-aaral.
Ang school database ay naglalaman ng personal na impormasyon ng mga mag-aaral kabilang ang school grades, personal data, good moral record at improvement tracking.
Ang tradisyunal na estilo ng pagtatago ng student’s records ay ginagawa pa hanggang sa kasalukuyang panahon, lalo na sa mga liblib o malalayong paaralan dahil wala silang kuryente o kaya ay walang access sa internet. Kaya naman, pinagsisikapan ng kanilang school personnel na ilagay sa folder ang record ng bawat estudyante ayon sa kanilang apelyido at itinatago sa malaking cabinet.
Ilan sa mga pagsubok sa ganitong pamamaraan ay ang kawalan ng seguridad o privacy at proteksiyon ng dokumento tulad ng kapabayaan ng tao, pagnanakaw o hindi maiwasang unos tulad ng pagbaha o pagkasunog ng paaralan.
Dahil sa ganitong kalagayan, ano ang nararapat at pinakaligtas na paglagyan ng mga record ng estudyante?
Ayon sa 1987 Constitution Article XIV, Section 1, isa sa mga responsibilidad ng ating bansa ay protektahan at palaganapin ang karapatan ng bawat mamamayan para sa de-kalidad na edukasyon sa lahat ng antas at gawin ang lahat ng ating makakaya upang makamit at maranasan ang abot-kayang edukasyon na nakalaan sa bawat isa.
Masusi nating pinag-aralan ang kalagayang ito upang makagawa ng panukala nang mapadali ang pagtatago at pangangalaga ng school records ng mga estudyante at maprotektahan ang kanilang impormasyon na kinokolekta mula sa kanilang pag-e-enroll hanggang sa kanilang pagtatapos ng pag-aaral.
Sa ating iniakdang panukalang-batas na Senate Bill No. 1005 o Public School Database Act of 2016, ipatutupad ang pagkakaroon ng National Public School Database kung saan organisadong ilalagay sa kompyuter ang lahat ng datos at impormasyon ng lahat ng mga mag-aaral sa elementary at high school.
Ang mga school administrator lamang ang bibigyan ng access sa biographical data ng lahat ng mga mag-aaral, maging ang kanilang exam scores, grade levels, attendance, immunization records, personal data, good moral record, improvement tracking at iba pa.Sa pamamagitan ng nasabing panukala, mapabibilis ang pagkakaloob ng mga pangangailangan ng mga magulang, estudyante at paaralan, sa kabuuan. Lubos itong maginhawa at mas mainam para sa mga guro para sa kanilang trabahong administratibo.
Ang Department of Education (DepEd) ay isa sa mga kagawaran sa pamahalaan na ating inaasahang manguna, magpatakbo at magpanatili ng National Public School Database. Ito ay may pananagutan na mapanatili ang malayang daloy ng impormasyon, maprotektahan at mapanatili ang paggalang sa confidentiality at pagiging pribado ng naturang datos at impormasyon.
Sama-sama nating itaguyod ang makabago at ligtas na sistema sa buhay-mag-aaral ng ating kabataan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments