UST 1 PAIR: BARBON AT ESLAPOR NAGKAMPEON SA BVR ON TOUR


BUMANGON buhat sa pagsadsad nila sa first set ang University of Santo Tomas 1 pair nina Babylove Barbon at Gen Eslapor upang maigupo ang Perlas duo nina Bea Tan at Dij Rodriguez, 17-21, 21-14, 15-12, at nakamit ang women’s crown ng BVR On Tour: Dumaguete Open noong Sabado ng gabi sa Rizal Boulevard sand court sa Dumaguete City.
Pagkaraang magbigay ng tatlong match points, na i-deliver ni Barbon ang championship-clinching drop shot para kumpletuhin din ang 5-0 sweep nila ng leg ni Eslapor sa harap ng mga volleyball fans na dumagsa sa venue.
Para naman sa naitakdang all-Air Force men’s final, nangibabaw ang pareha nina Ranran Abdilla at Jessie Lopez para sa kanilang ikatlong sunod na leg title, 21-13, 21-14, laban kina Mike Abria at Jade Becaldo.
Ito ang unang titulo ni Barbon sa BVR on Tour kasunod ng nauna niyang titulo katambal si Sisi Rondina sa nakaraang Manila Open noong Agosto (2018) bago sila nagkampeon muli ni Rondina sa UAAP noong Setyembre.
Ang ika-4 na BVR on Tour leg ay idaraos sa Capitol Beachfront sa Lingayen, Pangasinan bilang bahagi ng taunang Pistay Dayat.
Naunang tinalo nina Barbon at Eslapor, 21-16, 21-13, ang University of Negros Occidental-Recoletos duo nina Erjane Magdato at Alexa Polidario sa semifinals habang ginapi naman nina Tan at Rodriguez ang Smash Bacolod twosome nina Bianca Lizares at Jennifer Cosas, 21-14, 21-13. (VA)





Comments