Tunay na sanhi ng pagtagilid ng Emilio Aguinaldo College, talupan!
- BULGAR

- Apr 29, 2019
- 2 min read
HINDI naniniwala si Phivolcs Chief Renato Solidum na liquefaction ang dahilan kaya tumagilid ang Emilio Aguinaldo College (EAC) sa kanto ng San Marcelino St. at UN Ave. noong may naganap na Magnitude 6.1 na lindol nitong Abril 24. Wala raw bumitak na kalsada at lumabas na tubig na mga senyales ng liquefaction. Kung nagkaroon daw ng liquefaction, dapat malawak ang epekto nito, gayunman, nabanggit na ang gusali lamang na ito ang apektado at hindi ang iba pang katabi nito.
Ayon kay Solidum, kailangang tingnan ang disenyo ng gusali kung malalim ang “paa” nito. Ang mga gusali umano ay dapat makakilos sa lindol at bumalik sa dating kinalalagyan ngunit, hindi ito ang nangyari sa EAC building at walang ibang gusali sa UN Ave. ang nakaranas ng pagtagilid maliban dito. Malalaman umano kung may ginawa ang may-ari o kontraktor sa disenyo o paggawa ng gusali para makatipid o kumita ng mas malaki, samantala, may mga nagpayo na hindi na dapat gamitin ang gusali dahil delikado at kailangan nang gibain dahil peligroso rin ito para sa gusaling sinasandalan nito.
◘◘◘
May mangyari kaya sa pagkondena ng China at Pilipinas sa ginagawang paghango ng mga Tsinong mangingisda sa mga taklobo? Nakita sa video ng ABS-CBN ang tambak na taklobo na tinanggalan ng laman at minarkahan upang balikan na lang umano kapag marami na ang nahango sa lugar.
Tumigil kaya ang paghangong ito na malinaw na may basbas ng China dahil hindi naman pinipigilan ng kanilang coast guard sa Panatag Shoal? Wala talagang balakid kapag may ginusto ang China.
Noong 2016, ang barkong pangisda ng China, ang Lu Yan Yuan Yu 010 ay naglayag mula China patungong Argentina. Laganap umano ang pusit sa nasabing karagatan, pero pumasok ito sa exclusive economic zone ng Argentina kaya rumesponde ang kanilang coast guard nang hindi pinakikinggan ang kanilang babala at tinangka pang banggain ang kanilang barko, pinaputukan ng Argentinian Coast Guard ang barko at lumubog ito.
Gayunman, ligtas ang mga tripulante ng barkong pangisda. Karapatan ng bansa na paigtingin ang kani-kanyang exclusive economic zone maliban na lang kung ang Pilipinas at China ang pinag-uusapan.





Comments