Pagbibigay-seguridad sa kalusugan ng Filipino domestic helpers, suportahan!

ILAN sa mga OFW, pagkatapos maglingkod nang matagal sa Hong Kong ay basta na lang nate-terminate at napipilitang umuwi dahil natuklasan na sila ay may kanser. Hindi natin alam ang tiyak na bilang ng mga kasong ganito. Ito ang nangyari kay Baby Jane Allas ngunit, sa halip na tumahimik tulad ng marami ay umuwi ito ng bansa, lumaban at kinasuhan nito ang kanyang dating amo.
Umugong ang kaso ni Baby Jane at pinansin ito ni Fernando Cheung, miyembro ng Panel on Manpower ng Legislative Council ng Hong Kong. Iminungkahi ni Cheung na dapat bigyan ng Medical Insurance ang Filipino Domestic Helpers (FDH) kung saan maaari silang tumanggap ng “Subsidized Public Healthcare Service.” Iminungkahi rin ng isa pang miyembro ng Legislative Council ng Hong Kong na si Kenneth Leung na isama rin ni Cheung sa kanyang mungkahi na gawing mandatory na ang pagkuha ng employers ng Medical Insurance para sa kanilang mga kukuning FDH.
Anumang mangyari sa mga mungkahing ito, mananatili pa rin ang sitwasyon ng mga FDH matuklasan man nilang sila ay may kanser. Walang anumang kasiguraduhan hanggang ngayon. Salamat sa employer ng kapatid ni Baby Jane na nagsimula ng “fund raising campaign” para sa mga bayarin sa cancer treatment ni Baby Jane sa Hong Kong. Dahil nasa malayong lugar ang mga FDH, wala silang “support system” tulad ng mga nagtatrabaho sa sariling bansa. Kailangang lumikha ang mga FDH ng iba’t ibang “support system” para magkaroon sila ng masasandalang pangalawang pamilya.
Sa mga nagdaang araw, sinamahan natin ang ‘Buhay Ka Isabela’ sa Hong Kong upang balikan, pag-aralan, pagnilayan at dasalan ang naging simula ng ‘Buhay Ka Hong Kong’ noong 2007. 12 taon na ang ‘Buhay Ka Hong Kong’ at marami na itong pinagdaanan.
Dumalaw sa Lamma Island ang mga kasapi ng ‘Buhay Ka Isabela’ upang sundan ang mga unang bakas ng ‘Buhay Ka Hong Kong’. Nakinig ang mga taga-Isabela sa pagbabahagi ng mag-asawang Aida at Joey Dyogi na maituturing na mga ate at kuya ng ‘Buhay Ka’.
Dahil dito, nabuo ang matibay na komunidad ng mga magkakapatid sa hirap, sakit at pananampalataya. Nagkaroon din ang grupo ng programa ng paghuhubog ng personal at espirituwal na aspeto ng kanilang pagkatao at karamihan sa mga ito ay ginanap sa kumbento ng mga Poor Clare Sisters ng Lamma.
Tuwing nagtatagpo ang grupo, mayroong nagbabahagi ng kanyang personal na paglalakbay bilang cancer survivor. Buong galang at pagmamahal ang pakikinig ng bawat isa sa kanilang kasama. Punumpuno ng damdamin ang lahat ng bahaginan dahil hindi maiaalis na ibahagi ang mapait na katotohanan ng sakit at kamatayan bilang bahagi ng buhay.
Marami sa mga unang kasapi ng ‘Buhay Ka Hong Kong’ ang bumalik na sa Maykapal, gayundin sa ‘Buhay Ka Isabela’. Masakit na bahagi ng buhay ng samahan ang paglala (metastasis) ng kanser ng kanilang kasama ngunit, sadyang bahagi ng paghuhubog at pananaw ng samahan ang pagharap sa katapusan ng buhay (end of life phase).
Dahil maikli ang buhay, dapat walang inaaksayang pagkakataong magbigay at magtaguyod ng buhay. Sana magkaroon ng mga batas na magbibigay ng seguridad ng kalusugan sa mga FDH sa Hong Kong ngunit, isang hindi matatawarang seguridad ang patuloy na pagsuporta at pag-alalay ng mga magkakababayan sa Hong Kong.
Ito ang hamon noon hanggang ngayon ng ‘Buhay Ka sa Hong Kong’ na palaging maging buo, bukas at handang umalalay sa kapwa.





Comments