2 miyembro ng budol-budol gang, arestado
- Maeng Santos
- Apr 29, 2019
- 1 min read

TIMBOG ang dalawang hinihinalang miyembro ng Budol-Budol Gang matapos maghinala ang sari-sari store owner na kanilang tinangkang biktimahin sa Malabon City, kahapon ng umaga.
Sa nakarating na ulat kay Malabon Police Chief P/ Col. Jessie Tamayao, kinilala ang mga naarestong suspek na sina Rhay Mark Velasquez, 25, at Jerome Allanegue, 26, kapwa ng Bagong Barrio, Caloocan City.
Batay sa ulat, alas-10:20 ng umaga, nasa loob ng kanyang sari-sari store sa Bgy. Dampalit, Malabon City si Rowena Laylay, 37, nang dumating si Velasquez na nagpanggap na nagbebenta ng DVD na may kasamang karaoke saka inalok na bumili ang ginang ng kanyang produkto na nagkakahalaga sa P5,900.
Nakumbinsi ang biktima kung saan hiningan ito ng suspek ng paunang bayad na P3,000 at kanyang cellphone bilang garantiya.
Habang inaayos ang transaksiyon, dumating naman si Allanegue at sinabi nitong sumailalim ang ginang sa background check.
Nagduda ang biktima at binawi ang kanyang pera at cellphone subalit, hindi ito ibinigay ng mga suspek hanggang sa kaladkarin ang ginang na naging dahilan upang magkaroon ito ng mga sugat.
Nagsisigaw na humingi ng tulong ang biktima sa kanilang mga kapitbahay na naging dahilan upang habulin hanggang sa makorner ang mga suspek ng mga tambay sa lugar saka kinuyog at nabawi ang pera at cellphone ng ginang.





Comments