Problemado sa naglalakihan at masakit na ugat sa mga binti

Dear Doc. Shane,
Naglalakihan at masakit ang ugat sa aking mga binti, may kaugnayan ba ito sa madalas na pagtayo nang matagal? Nagtatrabaho ako bilang saleslady kaya maraming oras na ako ay nakatayo. Mayroon ba akong maaaring gawin o ipahid upang maibsan ang sakit nito? — Glenda
Sagot
Narito ang ilang paraan upang hindi lumala ang varicose veins:
Itaas ang mga kamay o paa — kapag palaging nakababa ang ating mga paa, naiipon dito ang dugo at mamamaga ang ating ugat. Kaya umupo at ipatong ang mga paa sa silya o unan kapag nakahiga. Ipatong din ang mga kamay sa unan at itaas ng ilang ulit sa isang araw.
Magsuot ng support stockings o masikip na medyas — ito ang pinakamabisang lunas sa varicose veins.
Iwasan ang pagtayo ng mahabang oras — maaaring galaw-galawin ang mga paa habang nakatayo. Hanggan’t maaari ay umupo rin paminsan-minsan.
Itaas ang mga paa habang natutulog — ipatong ang mga paa sa unan para mabawasan ang pag-iipon ng dugo.
Iwasang magsuot ng masikip na pantalon — kapag masikip ang pantalon, puwedeng maipit ang ugat sa mga paa. Siguraduhing katamtaman lang ang sikip para makadaloy ang dugo sa mga ugat.
Kumain ng mga gulay na mataas sa fiber — ang mga gulay tulad ng patola, pechay, okra at kangkong; prutas tulad papaya at pinya ay mayaman sa fiber. Sa tulong nito, magiging regular ang pagdumi. Kapag malambot ang dumi, makaiiwas tayo sa varicose veins.
Gayunman, kung malaki at masakit na ang varicose veins, makabubuti kung magpakonsulta agad sa doktor upang mabigyan ng karagdagang payo.





Comments