Pagpapasakay ng mga alagang hayop sa pampublikong sasakyan, aprub!

GOOD news para sa mga pet lover dahil nakasaad na sa bagong memorandum ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang mga alagang hayop ay puwede nang isakay sa mga pampublikong sasakyan.
Ayon sa Memorandum Circular No. 2019-019, puwede nang isakay ang mga alagang hayop sa mga public utility vehicle (PUV) basta ang mga ito ay nasa kulungan o ilalagay sa kaukulang animal compartment ng sasakyan, gayundin, kung lalagyan ito ng diaper upang hindi magkalat ng dumi.
Gayunman, hindi lingid sa ating kaalaman na may ilang bus companies ang pumapayag sa ganitong patakaran noon pa man, ‘yun nga lang, inilalagay ang hayop sa luggage compartment kung saan mainit at halos hindi na makahinga ang mga ito. Tsk!
Pero, ngayong may memo na para sa kanila, mainam kung gagawa sila ng puwesto para sa mga hayop.
Ang tanong, posible ba ito kahit alam nating halos hindi na magkasya ang mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan kung saan halos tumaob na ang sasakyan sa pagiging overloaded?
Sa totoo lang, hindi naman ito malaking isyu kung ang pet owners ay responsable sa kalinisan at sanitation ng hayop.
Pero, dahil prayoridad pa rin tayo, hindi dapat makompromiso ang kaligtasan, convenience at kaginhawahan ng pasahero nang sa gayun ay walang ibang magreklamo at magkaroon ng matiwasay na biyahe ang bawat Pilipino.
Dapat ding tukuyin ng ahensiya kung anu-anong mga hayop ang posibleng maisakay upang maging malinaw para sa lahat.
Nakatutuwa dahil binibigyang-halaga ang mga hayop sa bansa na pabor para sa karamihan ngunit, tandaan, kalakip nito ay kailangan nating maging responsableng mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments