Karapatan ng mga manggagawa, dapat garantiyahin ng estado!
- BULGAR

- Apr 28, 2019
- 2 min read
ANG karapatan ng manggagawa ay ginagarantiyahan ng Saligang-Batas, upang pag-ibayuhin ang karapatang ito ay nararapat lamang na magkaloob ang estado ng lubos na proteksiyon sa paggawa sa lokal at sa ibayong-dagat; organisado at hindi organisado ay dapat itaguyod ang puspusang pagbibigay ng trabaho at pantay na mga pagkakataon na magkaroon ng trabaho. Bukod sa mga nabanggit, marapat ding garantiyahan ng estado ang mga karapatan ng manggagawa sa pagtatatag ng sariling organisasyon, sama-samang pakikipagkasundo at negosasyon, mapayapa at magkakaugnay na pagkilos kasama ang karapatang magwelga alinsunod sa batas. Dapat may karapatan sila sa katatagan sa trabaho; sa makataong mga kalagayan sa trabaho at sa sahod na sapat ikabuhay. Dapat din silang lumahok sa mga proseso ng pagbabalangkas ng patakaran at desisyon na may kinalaman sa kanilang mga karapatan at benepisyo ayon sa maaaring itadhana ng batas.
Isa sa mga karapatan ng manggagawa ay ang magtatag ng kanilang sariling organisasyon na may layong magbigay ng proteksiyon sa kanilang mga kapakanan. Isa sa mga polisiya ng pamahalaan ay ang hindi paghadlang sa karapatan ng taumbayan kabilang na ang mga naglilingkod sa publiko at pribadong sektor na magtatag ng mga asosasyon, unyon o kapisanan sa mga layuning hindi labag sa batas.
Sa kaso ng Samahan ng Manggagawa sa Hanjin Shipyard vs. Bureau of Labor Relations, (G.R. No. 211145, October 14, 2015) na isinulat ni Honorable former Associate Justice Jose C. Mendoza, sinabi ng Korte Suprema na:
“As Article 246 (now 252) of the Labor Code provides, the right to self-organization includes the right to form, join or assist labor organizations for the purpose of collective bargaining through representatives of their own choosing and to engage in lawful concerted activities for the same purpose for their mutual aid and protection. This is in line with the policy of the State to foster the free and voluntary organization of a strong and united labor movement as well as to make sure that workers participate in policy and decision-making processes affecting their rights, duties and welfare.”
Kung ating babalangkasin ang sinasabi ng Korte Suprema sa nabanggit na desisyon, ang karapatan na magkaroon ng sariling organisasyon ay hindi lamang pagtatatag ng labor union para sa hangaring magkaroon ng collective bargaining agreement ang unyon sa kanilang employer. Kasama rin dito ang pagbuo ng grupo o organisasyon na naglalayong magbigay ng tulong at proteksiyon sa bawat miyembro na bumubuo rito.
Marapat lamang maintindihan ng bawat manggagawa na sa pagbuo at pagsali sa organisasyon ay kaakibat nito ang responsibilidad na gampanan ang mga alituntunin nakasaad sa by-laws ng kanilang organisasyon nang sa gayun ay mapanatiling maayos ang naitatag na organisasyon.





Comments