DE LUNA, NAKA-PODIUM SA 43RD U.S. 9 BALL OPEN
- Eddie M. Paez Jr.
- Apr 28, 2019
- 1 min read

NAKUHA ng Pinoy na si Jeffrey “The Bull” De Luna ang isang upuan sa podium at ang kaakibat na $12,000 sa pagsasara ng prestihiyosong 43rd US Open 9-Ball Championship sa Mandalay Bay Resort and Casino sa Las Vegas, Nevada kahapon.
Sa torneong tila dinaananan ng peste ang kampanya ng Pilipinas matapos na maagang mapauwi ang mga premyadong cue artists ng bansa na sina Francisco “Django” Bustamante, Carlo “Black Tiger” Biado, Dennis “Robocop” Orcullo, Johann Gonzales Chua, Roberto “Superman” Gomez at Warren “The Warrior” Kiamco, magiting na nakipagsabayan si De Luna sa pinakamatitinik na manunumbok mula sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.
Sa torneong umakit ng 256 cue artists na nag-ambisyong makaparte sa $300,000 na cash pot para sa mapapabilang sa winners’ circle, dinaig ni De Luna, 35, na pambato mula sa Quezon City at naghari sa 2018 Sunshine City Pro-Am Tour, sina Fil-Canadian Alex “The Lion” Pagulayan (11-5), Imran Majid (England, 11-9), Liu Haitao (China, 11-5), Kenichi Uchigaki (Japan, 11-3), kapwa Pinoy na si Orcullo (11-10), Angelo Salzano (Italy, 11-3) at Chris Robinson (U.S.A, 11-9).
Pero pagdating sa semifinals, nakaharap ni De Luna, isang Asian Games silver medalist at kampeon sa 2018 Annual Cole Dickson 9-Ball, si World Pool Billiards Association no. 1 Joshua “Killer” Filler ng Germany kung saan siya kinapos, 8-11. Sa finals, tinalo ng Aleman si Wu Jia-qing ng China para sa korona.
Sa kabila nito, napanatili ng Pilipinas ang paghablot ng bahagi ng centerstage sa mga de-kalibreng kompetisyon. Kamakailan, sa WPA Players’ Championships, pumangalawa si Biado at pumangatlo si Chua.





Comments