top of page
Pokwang.jpg

Alternatibong paraan ng pagbabayad ng laon amortization sa SSS

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 28, 2019
2 min read

Dear SSS,

Magandang araw! Ako ay self-employed member. Masyado akong busy kaya sa totoo lang ay wala akong panahon upang magpunta sa SSS branch para magbayad sa aking loan amortization. Narinig kong mayroong mobile-based payment facility ang SSS. Ano ba ito at maaari bang malaman kung paano ginagamit ito? Salamat po. — Shirley ng Obando, Bulacan

Sagot

Para sa inyong katanungan, ang binabanggit ninyong mobile-based payment facility ay ang SSS Globe GCash. Ito ay alternatibong paraan ng pagbabayad gamit ang mobile phones upang mapagaan at mapadali ang pagbabayad ng mga miyembro para sa loan amortization. Maaari ring magbayad ng loan amortization gamit ang GCash ang lahat ng rehistradong employers kabilang ang household employers. Gamit ang pasilidad na ito, maaari ring magbayad ang miyembro ng kanilang SSS Personal Equity and Savings Option (PESO) Fund. Ang PESO Fund ay boluntaryong provident fund na iniaalok ng SSS para sa karagdagang pag-iipon ng mga miyembro para sa kanilang pagreretiro bukod pa sa hulog nila sa SSS.

Kuwalipikadong gumamit ng GCash ang mga self-employed member tulad ng mga magsasaka at mangingisda, voluntary member kabilang ang mga overseas Filipino worker, non-working spouse member, regular employer, household employer at PESO Fund member.

Dapat magparehistro sa GCash ang miyembro gamit ang Globe o TM sim cards. Una, i-dial ang “*143” at piliin ang “GCash.” Piliin ang “register” at ilagay ang inyong napiling apat na numerong Personal Identification Number (PIN). Ilagay ang inyong pangalan, kasunod ang inyong apelyido. Ilagay din ang kumpletong tirahan at ang inyong aktibong email address. Panghuli, piliin ninyo ang “register.”

Maaari rin kayong magparehistro gamit ang GCash Mobile App. Una, i-download ang GCash App. Sunod, i-click ang “register” at punan ang mga hinihinging detalye.

Tinitiyak namin na secure ang pagbabayad ninyo sa SSS gamit ang GCash dahil sa apat na numerong Personal Identification Number (PIN). Kaya hindi ito ma-access ng kahit sino maliban sa inyo.

Sa bawat transaksiyon ninyo gamit ang GCash, kayo ay makatatanggap ng text messages bilang kumpirmasyon ng inyong transaksiyon. Nakatala rito ang detalye ng halaga ng inyong binayaran, ang uri ng transaksiyon, SSS number para sa mga indibidwal na miyembro o ER number para sa mga employer at ang naaangkop na buwan na inyong binayaran.

Agad na mare-remit ang inyong loan amortization at maipo-post sa inyong rekord sa SSS. Kung sakaling hindi nai-post ang inyong loan amortization gamit ang GCash, maaaring tawagan ang aming GCash Customer Service Support Hotline sa 739-2883 o kaya sa SSS Call Center sa 920-6446 hanggang 55 o kaya ay mag-email sa member_rela­tions@sss.gov.ph.

Nawa’y nasagot namin ang inyong katanungan.

◘◘◘

Nais nating ipaalam sa ating mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Inaanyayahan natin ang ating mga pensiyunado na nais mag-avail ng Pension Loan Program na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.

Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page