Tinawag na manyak, napikon | GINANG, PINAGSASAKSAK NG KAPITBAHAY

KRITIKAL ang 45-anyos na ginang makaraang pagsasaksakin ng kanyang kapitbahay na tinawag nitong ‘manyak’ sa Iligan City, Isabela.
Tatlong malalalim na tama ng saksak sa katawan ang tinamo ng biktimang si Analyn Paduala mula sa 60-anyos na suspek na si Recarter Elew.
Ayon sa imbestigasyon ni Police Master Sergeant Margel Dayday, naganap ang insidente sa labas ng bahay ng suspek sa Bgy. Dalipuga nitong Huwebes ng umaga.
Sinugod umano ng suspek ang ginang makaraang ipagsigawan nito sa kanilang mga kapitbahay na isa itong ‘manyak’ na ikinapikon ng una hanggang sa humantong sa pananaksak.
Gayunman, nabatid kay Dayday na matagal na umanong may matinding alitan sa pagitan ng dalawa na nauwi pa sa demandahan.
Agad namang sumuko sa pulisya si Elew matapos ang ginawa nitong pananaksak kay Paduala.
Sa kulungan inihayag ni Elew na nagawa niya ang krimen dahil sa pag-uudyok ng biktima.
Matagal umano siyang nanahimik sa ginagawang pangungutya sa kanya ni Paduala hanggang sa mangyari ang insidente.
Sa kuwento naman ng kaanak ng biktima, bigla na lamang nanaksak si Elew sa hindi malamang dahilan. Naglalakad lamang umano ang biktima kasama ang ilang kaibigan nang matapat sa bahay ng suspek. Inakala umano ng matanda na siya ang pinag-uusapan at pinagtatawanan ng grupo ni Paduala na tumawag sa kanya na manyak.





Comments