Sigaw ng kalikasan sa pamamagitan ng mga kalamidad, huwag balewalain!

NAPAKATIGAS ng ulo ng marami at tila bulag, hindi ba sapat ang nagdaang sigaw ng kalikasan mula kina “Ondoy”, “Yolanda” at iba pang matitinding bagyong sumira at kumitil ng buhay ng marami nating kababayan, gayundin ang iba’t ibang imprastruktura tulad ng mga daan, tulay, gusali, bahay, Simbahan, paaralan at iba pa?
Unti-unti nang tumitindig ang mga bayan sa Kabisayaan na pinatag ng Bagyong Yolanda. Wala na halos bakas ng sakuna na tila “ayos” na ang lahat. Wala nang problema, wala nang alalahanin ngunit, sa kabila ng matinding problema sa tubig at tindi ng init ng araw, biglang niyanig ng matinding lindol ang Luzon.
Noong Lunes, ika-22 ng Abril, selebrasyon ng Earth Day, tumitigil ang buong mundo upang kilalanin at kumustahin ang Inang Kalikasan.
Nilikha ng Diyos ang kalikasan at ibinigay sa atin. Marami sa ating mga pangangailangan ay galing dito mula sa mga pagkain; sangkap sa paggawa natin sa pang-araw-araw na buhay; malinis na hangin, tubig, liwanag at init ng araw; kagandahan ng mga bundok, gubat, kuweba, karagatan, lawa at batisan.
Ganito ang sinaunang kagandahan at kaayusan ng lahat, partikular ang sangkatauhan at kalikasan ngunit, lubhang nagbago nang mahumaling ang tao sa kakayahan ng agham at teknolohiya. Dumating ang “makina” at binago nito ang maraming bagay, lalo nang dumating ang “digital age” at halos lahat ng mga aspeto ng buhay ay maaari nang gamitan ng computer. Hindi lang dumali ang buhay kundi bumilis pa ito nang husto.
Subalit, ano ang kapalit ng pagbilis ng mga proseso ng paggawa at serbisyo? Ano ang kapalit ng pagbilis ng paglalakbay sa pamamagitan ng eroplano, tren at barko? Ano ang kapalit ng pagbilis ng paggawa at pag-aangkat ng pagkain? Ano ang kapalit ng napakabilis na pagpapalaganap ng impormasyon sa pamamagitan ng social media? Ano ang kapalit ng itinatapong tone-toneladang basura dahil sa walang habas na pagkonsumo at pagbili ng tao?
Hindi ba, lalong bumilis ang pagkasira ng kalikasan? Mayroon din itong masamang epekto maging sa relasyon ng bawat isa.
Gumuho ang maraming gusali at imprastruktura, ilang buhay ang nabuwis dahil sa dumaang lindol noong Lunes.
Hindi ilusyon ang lindol, hindi ilusyon ang pagkawasak at kamatayang iniwan nito. Sa hayagang paraan, ipinakikita ng kalikasan ang kahibangan ng ilusyon ng kapangyarihan at kayamanan ninuman. Kung kaya ng taong lumikha ng kayamanan at maunlad, matatag na kabihasnan, kaya rin nitong patigasin ang kanyang pagkahumaling sa sariling galing at karunungan.
Lindol, yumayanig ang lupang kinatatayuan natin. Gaano katibay ang ating mga ilusyon? Matibay din ba ng ating karupukan o kasing tibay ng ating kayabangan?





Comments