LADY BLAZE SPIKERS, UMENTRA NA SA PSL GRAND PRIX FINALS


NAGBALIK finals ang reigning champion Petron nang manaig sa Cignal HD Spikers, 23-25, 25-17, 25-16, 25-21, sa Game 2 ng kanilang Philippine Superliga Grand Prix best-of-three semifinal series sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Nagbabaga ang laro ni Stephanie Niemer upang balikatin ang pagpasok ng Blaze Spikers sa ika-anim na diretsong final appearance ng prestihiyosong women’s club league.
Bumanat si Niemer ng 26 kills, 5 aces at 4 blocks para sa 35 puntos habang si Katherine Bell ay nakapagdeliber ng 18 marka para sa Blaze Spikers na umani pa ng impresibong iskor mula sa local players na sina Mika Reyes, Rhea Dimaculangan at Denden Lazaro.
Binakas ni Reyes ang national team mainstay ng 7 puntos habang si Dimaculangan ay tumapos ng 26 excellent sets at si Lazaro ay may 14 digs at eight receptions.
Sa kabila ng impresibong panalo, saludo pa rin daw si Petron coach Shaq Delos Santos sa HD Spikers na maagang nag-empake sa torneo na isinasaere sa ESPN5 at 5Plus.
Haharapin ng Blaze Spikers ang magwawagi sa iba pang semifinal pairing sa pagitan ng F2 Logistics at PLDT Home Fibr sa best-of-three finals.
Nakapagkamada sina Imports Erica Wilson at Ana Artemeva ng 24 at 18 puntos para sa Cignal na nalagay sa battle for third place.
Impresibo rin ang laro ni skipper Rachel Anne Daquis sa 12 points. (MC)





Comments