Dahil sa mga korup na nakaupo sa gobyerno, kaligtasan ng publiko, nadadamay!
- Ryan B. Sison
- Apr 27, 2019
- 1 min read

KAMAKAILAN, nangyari ang Magnitude 6.1 na lindol na yumanig sa Central Luzon kung saan ang naging sentro nito ay sa Castillejos, Zambales ngunit, ang labis na naapektuhan ay ang lalawigan ng Pampanga kabilang ang Clark International Airport.
Kaya naman, ayon sa kinauukulan, babalikan at kakasuhan umano nila ang contractor ng nasabing paliparan, lalo na kung mapatutunayang mayroong mga substandard material na ginamit sa pagpapatayo nito.
Sa lahat ng mga gusaling nasira at nawasak, isa ang Clark sa labis na naapektuhan kung saan pansamantala pa itong isinara para ayusin ang mga nasira na umabot sa P30 milyon na ngayon ay binuksan nang muli para sa mamamayan.
Gayunman, ayon kay Clark International Airport President Jaime Melo, hindi umano nila hahayaang malugi o madaya ang gobyerno, kaya tiyak na hahabulin nila ang mga nasa likod ng palpak na kagamitan kung sakaling tinipid o kinorup ito.
Sa ngayon, hindi natin kailangang magsisihan, pero kung talagang mayroon silang pagkukulang, dapat lang na ito ay kanilang panagutan, lalo na at kaligtasan ng publiko ang nakasalalay.
Dagdag pa rito, hindi lingid sa ating kaalaman na marami sa mga gusaling pagmamay-ari ng gobyerno ang ginagawan ng iligal na aktibidad ng mga nakaupo sa puwesto kung saan tinitipid ang pagpapagawa o kaya ay kinukurakot ang budget. ‘Yun lang!
Samantala, dahil sa patuloy na paglindol sa iba’t ibang parte ng bansa, maging alerto at handa tayong lahat!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments