Showing ng Avengers: Endgame sa 'Pinas, may Chinese subtitles, ngek!

SINO ang gustong makakita ng Chinese subtitles kapag nanood ng Avengers: Endgame? Parang nanood na rin tayo ng pirated na kopya ng pelikula. May anunsiyo mula sa isang mall na ang palabas ay may Chinese subtitles. Marami ang humingi ng refund sa pagkadismaya, siguro maiintindihan pa natin kung Tagalog ang subtitles, pero bakit Chinese? Ganyan ba karami ang mga Tsino sa bansa para asikasuhin sila ng ganyan kahit sa sinehan? Ano ang susunod, ang mga pangalan ng kalsada, lugar tulad ng Luneta o Rizal Park, kilalang kainan ay lalagyan na rin ng Chinese characters, eh, baka pati ang mga palabas sa TV, lagyan na rin?
Senyales na talaga ito ng dami ng mga Tsino sa bansa. Kailan lang ay pinuna ang nagtayuang mga negosyo sa Boracay Island na pag-aari ng mga Tsino. May nakapagsabi sa atin na hindi raw sapat na nakukuha ng China ang mga isla sa karagatan, unti-unti na rin silang dumarami sa bansa, ano ang gagawin natin?
◘◘◘
Hindi ikinatuwa ni Samira Gutoc ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng mapabayaan ang rehabilitasyon ng Marawi City dahil umano sa mayayamang negosyante roon. Ayon kay Pangulong Duterte, maraming mayayaman na taga-Marawi. May “padaplis” pa na mayroon umano sa kanila ang sangkot sa iligal na droga. Isa pa, hindi naman daw natural na kalamidad at pangyayari ang dahilan nito.
Ano kaya ang naramdaman ng mga taga-Marawi nang marinig nila ang pahayag ni Pangulong Duterte?
Ilang beses nating narinig noon na may magbibigay ng malaking halaga para sa rehabilitasyon ng Marawi City, pero hanggang ngayon ay wala pa ring nangyayari. Tapos ganyan ang sasabihin ni Pangulong Duterte? Nasa China ngayon si Pangulong Duterte. Ang hangad nito ay makakuha ng karagdagang kasunduan o transaksiyon para sa kanyang “Build, Build, Build Program”. Kasama kaya ang Marawi City sa mga plano nito? Abangan natin.





Comments