Pagtatapon ng basura ng iba’t ibang bansa sa Pilipinas, nakaiinsulto!

“KUNIN ang basura o magdedeklara ako ng giyera”, matapos itong sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa wakas ay naglabas na ng pahayag ang Canadian Embassy sa Pilipinas na nangangako silang resolbahin ang isyu sa basura na itinapon nila sa bansa.
Base sa pahayag ng Canadian Embassy, makikipagtulungan sila sa mga ahensiya ng pamahalaan para masolusyunan ang nasabing problema.
Sa ngayon ay mayroong technical group mula sa magkabilang kampo na nagsasagawa ng pag-aaral kung paano maiaalis ang basura na hindi makaaapekto sa kapaligiran.
Gayunman, ngayong taon ay ginugunita ang ika-70 taong relasyon ng dalawang bansa kung saan sinabi ng embahada na matibay ang relasyon ng mga ito at may iisang layunin na patatagin ang political, economical at cultural relations.
Matatandaang, ilang beses nang ginawa sa bansa natin ang ganitong senaryo kung saan kuwestiyunable kung paano ito nakalulusot, gayung dapat mahigpit ang gobyerno sa pagpapasok ng mga gamit mula sa ibang bansa — Bureau of Customs (BOC), anyare?
Dagdag pa rito, hindi ba, nakaiinsulto para sa mga Pilipino na ‘yung bansang ating pinakamamahal ay ginagawa lang basurahan ng iba? Mayroon pa ngang nagsasabi na ‘probinsiya’ lang daw nila. Hays!
Sa totoo lang, nakalulungkot dahil mismong mamamayan sa bansa, eh, kulang sa disiplina para itapon ng maayos ang kanilang mga kalat sa tamang tapunan, daragdagan pa ng ibang bansa. Tsk!
Samantala, hiling natin na matapos na ang isyung ito at huwag nang maulit pa.
Pero, mangyayari ito kung patutunayan natin sa kanila na ang Pilipinas ay hindi tapunan ng basura kundi bansa na kayang umunlad kahit dumanas pa ng pagsubok na napakahirap!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments