top of page

Worried sa pagiging payat ng kanyang mga anak

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 25, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Nakapagtataka dahil payat ang dalawa kong anak kahit pareho naman kaming malaki ng aking asawa. Ano ba ang magandang bitamina upang magkalaman ang kanilang katawan? — Eloisa

Sagot

Ang bitamina at mineral ay mas mainam na makuha sa kumpleto at masusustansiyang pagkain. Kapag ang bata ay balanse sa pagkain ng karne, isda, gulay, gatas at prutas, hindi na kailangan ng bitamina at mineral na nabibili sa botika.

Importante ang pagkonsulta sa pediatrician o doktor para malaman kung ang inyong anak ay nasa wastong timbang lamang. Makabubuti kung masusuri ang kinakain ng ating anak at masubaybayan ang timbang nito. Irekord ang tangkad at timbang ng bata para may pangunang basehan sakali mang magpakonsulta sa doktor. Dito malalaman kung normal ang paglaki ng ating anak.

Tandaan, ang katabaan ay hindi nangangahulugan ng magandang kalusugan. Minsan, ang matatabang bata ay undernourished. Ibig sabihin, kulang sa sustansiya ang mga batang undernourished. Maaaring tumaba ang bata sa pagkain nang hindi tama tulad ng softdrinks, sitsirya, maraming kanin o tinapay, tsokolate, French fries at marami pang iba. Kahit ang timbang nila ay mabigat, maaaring hindi naman natutugunan ang ilang nutrisyon na kailangan ng katawan.

Bukod pa rito, ang hindi magandang nakaugaliang pagkain ng junk food ay maaari niyang madala hanggang sa siya ay lumaki. Hindi madali ang pagpapapayat. Pagdating ng adolescent stage o pagdadalaga at pagbibinata ng mga bata, maaaring tuksuhin sila ng mga kaibigan o kaklase dahil sa kanilang timbang. May ilan sa kanila na naeengganyong magpapayat o ayusin ang kanilang pangangatawan sa tamang paraan tulad ng pagkontrol sa pagkain at ehersisyo. Ngunit, may ilan din sa kanila na emotional eater o mas napapakain tuwing may problema o stress sa buhay. Bilang mga magulang, maaari nating simulan ang pagbabago sa pamamagitan ng pagtanggal sa isipang malusog kung mataba ang isang bata. Hikayatin ang masusustansiyang pagkain at i-monitor kung labis ang pagkain ng anak. Masayang gawing bonding ng pamilya ang ehersisyo. Habang bata pa, imulat sila sa tamang pagkain at magandang pangangatawan para mabawasan ang tsansang maging sakitin paglaki.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page