TATLO NA ANG MEDALS NG ‘PINAS, TAN, HUMIRIT NG BRONZE SA TENPIN

UMAKYAT na sa tatlo ang medalya ng Pilipinas matapos mahablot ni Merwin Tan ang huling upuan sa podium ng boys’ all events ng ginaganap na 20th Asian Youth Tenpin Bowling Championship sa palaruan ng Megalanes, Sarawak, Batu Kawa sa Kuching, Malaysia.
Posible ring madagdagan pa ang karangalan ng bansa matapos makapasok sa pinakatampok na boys’ masters event sina Tan, Kenzo Umali at Kayle Abad sa tunggaliang nilalahukan din ng mga pambatong pintopplers ng South Korea, Australia, Macau, Thailand, Singapore, Hongkong, Bahrain, Taiwan at ng punong-abalang Malaysia.
Pagkatapos ng kompetisyon sa singles, doubles at team events kung saan sumabak sa 18 games ang lahat ng mga kalahok, ang 19-anyos na si Tan ay may markang 3,860 pinfalls (average: 214.44) na naging sapat na para sa bronze medal sa All-Events.
Sumandal ang Pinoy sa 1,352 pinfalls na performance sa singles, 1,214 sa doubles at 1,294 sa team-of-four. Si Brandon Ong (4,103 pinfalls) ng Singapore at Malaysian Muhammad Hafiz (3,933 pinfalls) ang kumuha ng unang dalawang puwesto ayon sa pagkakasunod-sunod.
Nauna rito, nakuha ni Tan, ang tanging teener na mainstay ng Philippine men’s team, ang gold medal sa boys’ singles at ang quartet nina Tan, Umali, Abad at Patrick Nuqui ang silver medal sa team of four.
Sa overall medal tally, nasa 3rd place ang Pilipinas dala ang 1-1-1 gold-silver-bronze na rekord. Singapore (5-0-2) ang nasa trangko habang Malaysia ang 2nd (1-3-2). Macau ang nasa 4th (1-0-0).





Comments