Paggamit ng mga silid-aralan bilang evacuation center

Dear Chief Acosta,
Magandang araw! Ako ay tatlong taon nang barangay tanod sa aming lugar. Madalas itong binabaha, lalo na kapag mayroong bagyo dahil mababa lang ito. Bilang isa sa mga namumuno sa pagplano sa kahandaan ng lugar namin laban sa anumang kalamidad, nais kong malaman kung kailan maaaring gamitin bilang evacuation centers ang mga silid-aralan ng eskuwelahan? Ito kasi ang pangunahing suhestiyon sa amin. Maraming salamat! — Josie
Dear Josie,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay binigyang-linaw ng Section 5 ng Republic Act No 10821 o mas kilala sa tawag na “Children’s Emergency Relief and Protection Act” kung saan nakasaad ang mga panuntunan sa paggamit ng eskuwelahan bilang evacuation center:
“Sec. 5. Evacuation Centers. – Only in cases where there is no other available place or structure which can be used as a general evacuation center may a school or child development center be used as an evacuation center.
When a school or child development center is used as an evacuation center, gymnasiums, learning and activity centers, auditoriums and other open spaces shall be utilized first. Classrooms shall only be used as a last resort. The use of the school premises shall be as brief as possible. xxx” (Binigyang-diin)
Ayon sa nasabing batas, ang mga eskuwelahan at child development center ay maaari lamang gamitin bilang evacuation center kung wala nang iba pang magagamit na lugar o istruktura bilang pangkalahatang evacuation center.
Kapag ginamit bilang evacuation center ang eskuwelahan o child development center, ang gymnasium, learning and activity center, auditorium at iba pang open spaces nito ang unang dapat gamitin para sa nasabing layunin. Ang mga silid-aralan ay maaari ring gamitin bilang evacuation center kung ito na lamang ang huling paraan.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.





Comments