PHL PINTOPPLERS, NAKA-SILVER PA SA 20TH ASIAN YOUTH TENPIN

NAIBULSA ng Pilipinas ang pangalawa nitong medalya matapos na pumangalawa ang pinagsanib na puwersa nina Merwin Tan, Kenzo Umali, Patrick Nuqui at Kayle Abad sa team of four event sa ginaganap na 20th Asian Youth Tenpin Bowling Championships sa Megalanes, Batu Kawa, Kuching, Sarawak, Malaysia.
Naiposte ng mga binatilyong Pinoy ang 4,996 pinfalls pagkatapos ng anim na laro para makuha ang pilak na medalya sa likod ng nagkampeon na Singapore (5,123 pinfalls) samantalang nakuntento sa tansong medalya at pangatlong puwesto ang South Korea (4,979 pinfalls).
Bagamat nasa pang-apat na puwesto lang sa kalagitnaan ng bakbakan, nag-init ang kamay ng mga Pinoy at humataw sa huling tatlong games para makasibad sa likod ng driver’s seat at malagpasan ang Malaysia at South Korea. Kasama sa harurot na ito ang 918 pinfalls sa huling game ng team of four event.
Nanguna si Kenzo Umali sa pag-atake sa tulong ng naisumite nitong 1,299 pinfalls habang nakapag-ambag naman si boys’ singles champion Merwin Tan ng 1,294 pinfalls. Hindi rin nagpabaya sina Patrick Nuqui at Kayle Abad dahil sa napabagsak nilang 1,252 at 1,151 pins ayon sa pagkakasunod-sunod.
Sa kabuuan, mayroon nang 1-1-0 gold-silver-bronze medal tally ang Pilipinas. Sunod na pupuntiryahin ng bansa ang ginto ng Masters event sa paligsahang nilalahukan ng pintopplers mula Australia, Bahrain, Taiwan, Hongkong, Korea, Macau, Singapore, Thailand at ang punong-abalang Malaysia.
Ang mga dalagita ng Pilipinas ay hindi pa nagpaparamdam sa alinmang events (singles o doubles). Sa team of four, pumang-anim lang ang pinagsanib na lakas nina Norel Nuevo, Alyssa Ty, Grace Gella at Bea Hernandez.
Sa kabila nito, hindi pa tapos ang tsansa nila sa kompetisyon kung ang pagbabasehan ay ang kanilang rekord. Kamakailan lang, nakapag-uwi ng dalawang tansong medalya mula sa 2019 World Bowling Junior Championships na ginanap sa France.
Sa naturang paligsahan,pumangatlo sa girls singles’ si Gella,18-anyos, habang tumersera rin ang 16-taong-gulang na si Nuevo sa bakbakan sa girls masters ng paligsahang inorganisa ng World Bowling, Maximin Bowling Plaza at Tenpin Bowling Association of France.





Comments