Paraan para maiwasan ang kabag
- BULGAR

- Apr 23, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Ako ay 23 years old. Madalas akong kinakabag at nakararanas ng pagsakit ng tiyan. Ang pagsakit ba ng tiyan ay may kaugnayan sa iniinom o kinakain ng tao? Bakit kinakabag ang tao at paano ito maiiwasan? — Aljohn
Sagot Ang kabag ay ang pakiramdam na parang palaging busog at matigas ang tiyan dahil sa pagdami ng gas sa small intestine.
Narito ang mga dapat iwasan upang hindi magkaroon ng pananakit o kabag sa tiyan:
Pagpupuyat at stress — kapag tayo ay puyat, mahihirapan tayong gawin ang regular nating routine dahil tumataas ang cortisol level o stress hormone ng ating katawan. Ang cortisol at mataas na blood sugar na dulot ng pagpupuyat ay lubhang nakai-stress sa bituka ng tao kaya ito pinagmumulan ng kabag.
Kawalan ng ehersisyo — ang isa sa mga dahilan ng pagkakaroon ng kabag ng tiyan ay ang hangin na naiipon sa bituka. Kapag walang ehersisyo ay hindi ito madaling mailabas sa sistema ng katawan kaya nagdudulot ito ng kabag, ang pakiramdam na laging busog.
Mabilisang pagkain — tandaan na ang proseso ng pagtunaw ng pagkain ay nagsisimula sa bibig at hindi sa tiyan. Ang mabilis na pagkain ay nagdudulot ng kabag dahil sa maraming hangin na pumapasok sa bibig habang kumakain. Kapag mabilis ang pagkain, hindi masyadong nangunguya ang pagkain kaya nahihirapan ang tiyan na tunawin ang mga kinain.
Paninigarilyo — ang paninigarilyo araw-araw ay nagdudulot ng kabag sa tiyan dahil sa hangin na pumapasok sa tiyan na naiipon sa digestive tract. Ang chemicals na pumapasok sa katawan dahil sa paninigarilyo ay lubos na mapanganib sa kalusugan. Ang mga kemikal ding ito ay nagdudulot ng hindi maayos na galaw ng mga kalamnan sa sikmura na dahilan ng pagkakaroon ng kabag at heartburn.
Labis na pag-inom ng mga inuming may soda — ang pag-inom ng soda ay nagdudulot ng kabag sa tiyan dahil sa taglay nitong carbonated gas. Bagamat, dumidighay pagkatapos uminom ng softdrinks, may natitira at naiipon pa ring hangin sa ating sikmura.
Hindi pag-inom ng maraming tubig — kapag kulang sa tubig o dehydrated, nagiging sanhi ito ng kabag ng tiyan.
Pagkain ng mga processed food — ang katawan ay nangangailangan ng asin para sa maayos na metabolic functions, ngunit, ang sobrang asin ay maaaring magdulot ng mga problema sa kalusugan kabilang na ang abdominal fluid retention. Ito ay naglalaman ng sodium o asin na nagsisilbing preservative at ito ay nagdudulot ng kabag ng tiyan.
Narito ang ilan sa mga paraan na makatutulong para maiwasan ang kabag:
Ugaliin ang pagkain ng balanced diet — piliin ang mga uri ng pagkain na kaunti ang carbohydrate content at madaling matunaw sa tiyan tulad ng patatas, lettuce, saging at kanin.
Nguyain nang mabuti ang pagkain.
Uminom ng tubig bago kumain.
Iwasan ang paninigarilyo.
Iwasan ang pagkonsumo sa mga pagkain at inumin na mayroong caffeine.
Sikaping magkaroon ng regular na ehersisyo — epektibo ang paglalakad kung nakararamdam ng sobrang bloated ng tiyan o kinakabagan.





Comments