Nabuking, ilang opisyal ng barangay, rumaraket ng saklaan kahit walang patay
- BULGAR

- Apr 23, 2019
- 1 min read
ISANG sulat-reklamo ang natanggap ng inyong lingkod hinggil sa umano’y katiwalian o maling gawain ng ilang opisyal ng barangay sa isang siyudad sa Kalakhang Maynila.
Ayon sa reklamo ng ginang, sa araw-araw daw na ginawa ng Diyos ay madalas ang tinatawag na “puwesto piyo” o ‘yung sugal na pasakla ng ilang opisyal ng barangay, kahit wala namang patay na pinaglalamayan.
Dagdag pang sumbong na naibulgar ng mga ilaw ng tahanan na P4, 000 kada linggo raw ang padulas o tongpats sa lalapagan ng “puwesto piyo” sa mga balasubas na opisyal ng barangay.
Kaya naman pala sandamakmak ang saklaan sa siyudad na ‘yun ay parang nakahukay ng mina ng ginto ang ilang barangay official dahil sa kanilang modus o raket na ang mga mananaya ay padre de-pamilya na kapag kumita ay sa demonyong saklaan napupunta imbes sa pamilya na inaasahan ng mga naghihimutok na ilaw ng tahanan.
Paging DILG Usec. Martin Diño, pakiimbestiga nga po ang reklamong ito na kapag napatunayang may katotohanan ang sumbong na ito ay kasuhan ng administratibo ang mga barangay official na involved dahil ginawa na nilang hobby ang kanilang raket at bad influence sila sa kanilang constituents d’yan sa Tugatog sa Malabon City.
O, kayo riyan sa nabanggit na lugar, sa halalan ng pambarangay, alam n’yo na kung sino ang dapat iboto, ha?
Huwag maging “bobotante”!
Ikaw kaibigan, anong sey mo?
Laging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!





Comments