Kahit Semana Santa, iligal na droga, talamak!

PARA saan ang pagpepenitensiya kung isa ka sa nagpapalaganap ng iligal na droga?
Sa pagtatapos ng Semana Santa, isang lalaki ang dinakip ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit ng Abellana Police Station 2 sa pamumuno ni Police Major Eduard Sanchez.
Pinangalanan ang suspek na si Mark Anthony Jakosalem na nakatira sa Sitio Maharlika, Barangay Sambag 2 kung saan naganap ito sa isinagawang buy-bust ng alas-11:00 ng gabi noong Easter Sunday.
Ayon sa mga awtoridad, si Jakosalem ay walong taon nang gumaganap bilang HesuKristo sa kanilang barangay tuwing sasapit ang Biyernes Santo.
‘Yun nga lang, sa naturang operasyon ay nakuhanan ang suspek ng iligal na droga na tinatayang aabot sa P1,200 ang halaga.
Kaya sa totoo lang, hindi talaga maibabase sa nakaugaliang tradisyon ang kabutihan at pananampalataya ng tao, kumbaga, balewala ang pagpepenitensiya kung pagkatapos ng Semana Santa ay babalik ka rin sa dati mong gawi na iligal at nakasisira sa lipunan.
Gayunman, kahit nahulihan ay sinabi ng suspek na matagal na umano siyang huminto sa pagbebenta ng iligal na droga.
Samantala, anuman ang kanyang maging dahilan, hindi ito sapat para hindi siya sampahan ng kaukulang parusa na nakabatay sa batas.
Kaya naman palagi nating tatandaan, ang pagiging mabuting tao ay hindi makikita sa pagsisimba linggu-linggo kundi sa malinis na pagkatao kung saan wala kang nilalabag na kahit anuman.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments