top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

BIFF official, todas sa AFP-PNP

  • Jeff Tumbado
  • Apr 23, 2019
  • 1 min read

UTAS ang isang mataas na opisyal ng ISIS terror linked na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at tauhan nito matapos makipagbarilan sa pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar sa Midsayap, North Cotabato Sabado de Gloria.

Nakilala ang mga napatay na terorista na sina Mando Mamalompong alyas Kumander DM, Sub-Commander at tagapagsalita ng 2nd Division ng BIFF at ang sinasabing kanang kamay nito na si Nor Hamid Sabdulla.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Bernard Tayong, tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office (CPPO), maghahain sana ng search warrant ang pulisya kasama ang mga tauhan ng 34th Infantry Battalion Philippine Army sa bahay ni Kumander DM sa Sitio Macantal Bgy. Olandang.

Gayunman, habang papalapit sa bahay ng terror group leader ang raiding team ay pinasalubungan na sila ng bala ng grupo ni Kumander DM.

Napilitan ang mga sundalo at pulis na gumanti sa mga teroristang kumukubli sa paligid ng bahay ng kanilang leader kung saan tumagal ng halos kalahating oras ang sagupaan ng magkabilang panig.

Dito na napuruhan sina Mamalompong at Sabdulla habang nasugatan naman ang isang sundalo na ngayon ay nasa ligtas ng kondisyon.

Nakuha malapit sa bangkay ng dalawa ang M16 at M14 rifles at iba’t ibang amunisyon.

Nabatid na may ilang nakabimbing mga kasong kriminal ang napatay na lider tulad ng multiple murder, arson, robbery, hold-up, extortion, multiple frustrated homicide at iba pa.

Kaugnay nito, inilagay na ng militar at pulisya sa heightened alert status ang buong bayan ng Midsayap sa posibleng resbak ng natitirang tauhan ni Kumander DM.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page