top of page
Pokwang.jpg

PUNTIRYA NA 2-2 NG HOTSHOTS, GAGAWIN NA NILA SA GAME 4

Clyde Mariano
Apr 22, 2019
2 min read

MATAPOS magwagi sa Game 3 bago gunitain ang Semana Santa, puntirya ng Magnolia Hotshots na itabla ang serye sa 2-2 sa muling paghaharap nila ng Rain or Shine sa Philippine Cup best-of-seven semis ngayon sa Araneta Coliseum.

Haharapin ng Hotshots ang Elasto Painters ng 7 p.m. na determinadong kunin ang pangalawang sunod na panalo at palakasin ang kanilang ambisyon na sungkitin ang pangalawang sunod na korona matapos angkinin ang Governor’s Cup kontra Alaska Aces dalawang buwan ang nakaraan.

Ang momentum ay nasa Magnolia dahil sa kanilang panalo sa Game 3 at tiyak na sasamantalahin ni coach Chito Victolero ang pagkakataon at itabla ang serye sa unang pagharap kay coach Caloy Garcia sa best-of-seven semifinal series. Mula nang sumali ang RoS sa PBA kasama si Garcia sa coaching staff at nagsilbing deputy ni coach Yeng Guiao, hanggang ngayon ay bigo pa rin si Garcia na masungkit ang pinakaaasam-asam na titulo at mapasama sa elite club “champions coach” na kinabibilangan ng kanyang predecessor na si Guiao na lumipat sa NLEX Road Warriors.

Kailangang gumawa si coach Caloy Garcia ng epek­tibong pormula para manalo dahil sa sandaling muli siyang ma­bigo ay malalagay sa alanganin ang title campaign ng RoS dahil highly energized at mataas ang morale ng Hotshots sa panalo sa Game 3. “We will exploit the momentum of our victory in Game 3 to full use and equalize the series. I instructed my players to play above board and go for a win,” sabi ni Victolero.

Muling sasandal si Victolero sa kanyang mga kamador na sina Paul Lee, Andy Mark Barroca, Jio Jalalon, Robert Herndon, Rome de la Rosa, at Aldrich Ramos at ang kanyang big men na sina Ian Sangalang at Rafi Reavis na makikipagbanggaan kina Beau Belga at Jewel Ponferada sa low post.

Tatapatan ang opensiba ng Magnolia nina James Yap, Maverick Ahanmisi, Gabe Norwood, Rey Mambatac, Kris Rosales, Ed Daquioag, Mark Borboran, Norbert Torres at Jayvee Mocon. Dahil walang naka-sweep sa best-of-seven semifinal series, muling magsasagupa ang Magnolia at RoS sa Abril 24 sa Cuneta Astrodome. Matatapos ang semifinal series sa Abril 29 sa MOA Arena at maglalaban ang defending Philippine Cup champion San Miguel Beer at Phoenix.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page