Nagbakasyon, nabangga, nalunod | HOLY WEEK, 50 PATAY

TINATAYANG nasa 50 katao ang nasawi sa magkakahiwalay na aksidente sa kalsada at pagkalunod nitong Holy Week.
Ayon sa ulat, 30 katao ang nasawi dahil sa pagkalunod mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula noong Abril 5 hanggang 20.
Samantala, nasa 19 katao, karamihan ay magkakamag-anak naman ang namatay makaraan silang masangkot sa aksidente sa kalsada sa magkakahiwalay na lugar.
Sa impormasyon mula sa PNP, Philippine National Red Cross (PNRC) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), walo ang nasawi habang nasa walong iba pa ang nasugatan nang mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyang elf truck sa Tabuk City sa Kalinga.
Sa Isabela, patay din ang apat katao sa aksidente sa kalsada at pagkalunod sa magkakasunod na araw ng Huwebes, Biyernes at Sabado.
Inararo umano ng trailer truck ang motorsiklo sa national highway ng Bgy. Sinippil.
Biyernes Santo naman sa bayan ng Roxas, sumalpok ang motorsiklo sa Innova Sedan na ikinasawi ng rider. Sa kaparehong araw, may banggaan ng dalawang motorsiklo sa bayan ng Candon kung saan isa rin ang patay.
Huwebes ng gabi naman nang banggain ng minibus ang motorsiklo na ikinasawi rin ng rider.
Sabado ng hapon naman sa Iligan City, nalunod ang isang estudyante sa Abuan River sa Bgy. Imelda.
Sa pagkalunod din namatay ang dalawa katao habang naliligo sa beach sa Bgy. Barreto, Olongapo City.
Samantala, patay naman ang apat na motorcycle riders na patungong Pangasinan para mag-Visita Iglesia nang salpukin ng 10-wheeler truck sa Bgy. San Isidro, Paniqui, Tarlac, Huwebes Santo.





Comments