WAKAS NA ANG KAMPANYA NG ‘PINAS, LATVIA, KAMPEON SA FIBA 3X3 WTM
- A. Servinio
- Apr 21, 2019
- 1 min read

NAPAAGA ang wakas ng kampanya ng Pilipinas sa 2019 FIBA 3X3 World Tour Masters matapos matalo ang Pasig Chooks at Balanga Chooks sa knockout quarterfinals noong Biyernes Santo sa Katara Amphitheatre sa Doha, Qatar. Unang bumagsak ang Pasig sa naging kampeon ng torneo, ang Riga Ghetto ng Latvia, 21-15, at ito ay sinundan ng pagpaalam ng Balanga sa kamay ng Liman ng Serbia, 21-9.
Naparami agad ang mga foul ng Pasig at naapektuhan ang kanilang depensa kaya nakagawa ng apat na sunod na puntos ang Riga para lumamang, 17-13. Sinagot ito ng dos ni Joshua Munzon pero iyon na ang huling narinig sa kanila at pinasok ng mga taga-Latvia ang huling apat na puntos para tapusin ang laro.
Bumuhos ng pitong sunod na puntos ang Liman para tuluyang lumamang, 8-3. Humabol ng bahagya ang Balanga sa likod nina Travis Franklin at Karl Dehesa, 15-17, subalit hindi ito naging sapat at isinara ng mga taga-Serbia ang pinto sa mga Pinoy.
Kahit paano, nakaganti ang dalawang koponang galing Europa matapos mabilang sa mga biktima ng Pilipinas noong Huwebes Santo, unang araw ng palaro. Ginulat ng Balanga ang Riga, 19-17, at sinundan ito ng mas malaking gulat ng Pasig sa Liman, 21-14. Sa semifinals, tinalo ng Riga Ghetto ang Piran ng Slovenia, 21-14, habang binura ng Liman ang kanilang mga kababayan na Novi Sad, 20-17. Wagi ang Riga sa kampeonato kontra Liman, 15-14, at mauwi ang $30,000 o P1,560,000.





Comments