GM ANTONIO, KAMPEON SA MERALCO CHESS CLUB

APAT na woodpushers ang tumawid sa meta na may pare-parehong kartadang pito at kalahating puntos pagkatapos ng siyam na rounds ng bakbakan pero sa huli ay naitakbo ni Grandmaster Rogelio “Joey” Antonio Jr. ang kampeonato dahil sa mas mataas na tiebreak sa pagsasara ng 2019 Meralco Chess Club Open Tournament sa Pasig.
Kumamada ng anim na panalo si Antonio, ilang beses nang naging kasapi ng Philippine team sa mga Chess Olympiad at may rating na 2499, laban kina Ramel Ramilla (round 1), Brent Lenard Alanan (round 2), Lourecel Ecot (round 3), Reynaldo Gempero (round 4), Samson Chiu Chin Lim (round 6) at Raymond Salcedo (round 7). Bukod dito, nakipaghatian siya ng puntos kina Rolly Parondo (round 5), FIDE Master Mari Joseph Turqueza (round 8) at Michael Concio Jr. (round 9) para sa halos walang mantsang rekord.
Halos ganito rin ang naging paglalakbay nina Parondo, Concio at Turqueza kaya nagkumpulan sila sa lead pack ng kompetisyong umakit ng 100 disipulo ng standard chess katulad nina GM Darwin Laylo, IM Richelieu Salcedo III, IM Barlo Nadera, IM Cris Ramayrat, IM Ricardo De Guzman, IM Jan Emmanuel Garcia, IM Ronald Dableo, IM Daniel Quizon at pitong FIDE Masters. Hinirang na bridesmaid sa likod ni Antonio ang untitled chesser na si Parondo habang isa pang untitled entry, si Concio, ang umangkin ng huling upuan sa podium. Si Turqueza ay nakuntento sa pang-apat na puwesto samantalang dating junior standout na si Quizon ang umukopa sa panglimang puwesto. Kasama sa mga pumasok sa unang sampung nagperform sina FM Narquingden, IM Dableo, Salcedo, IM Garcia at Tristan Jared Cervero.





Comments