Pag-aaral tungkol sa buhay ng mga pating, bigyang-pansin!
- BULGAR

- Apr 18, 2019
- 3 min read

ANG Pilipinas ay kinilala bilang sentro ng marine biodiversity. Sa ating bansa matatagpuan ang iba’t ibang uri ng mga laman-dagat na malapit sa baybayin kabilang na ang mga pating. Bilang predator, may mahalagang gawain ito upang mapanatili ang balanse at kaayusan sa kapaligiran at ang pag-iingat at pangangalaga ng mga coral reef.
Pinag-aaralan sa kolehiyo at unibersidad ang kursong Marine Biology kung saan nagsasagawa ang mga mag-aaral ng mga field study, obserbasyon, descriptive at empirical approach tungkol sa buhay ng mga pating, kanilang pagkain, pag-uugali at marami pang ibang aspeto ngunit, hindi sapat ang pag-aaral lamang nito kundi kailangang hikayatin ang mga estudyante na magpakadalubhasa sa pag-aaral nito dahil sa pinangangambahang pagkaubos ng uring ito sa lalong madaling panahon.
Patuloy nating nababasa sa mga pahayagan ang patuloy na paghuli ng mga laman-dagat para patayin, ibenta sa merkado at ilagay sa hapag-kainan.
Ayon sa organisasyong Sharks Savers, mahigit 100 milyong bilang ng mga pating ang napapatay, taon-taon. Nakalulungkot at nakadidismaya na patuloy ang pagkawala ng kanilang populasyon ng 90 porsiyento sa kabila ng kahalagahan ng mga ito.
Mayroong mga ipinaiiral na batas ang ating bansa tungkol sa pangangalaga ng ating kapaligiran, puno, halaman at hayop na itinakda ng 1987 Konstitusyon upang mapanatili ang malusog na kalikasan at balanseng ekolohiya.
Kaugnay ng ating batas na nabanggit ay ang Republic Act 9146 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act na isinasaad ang polisiya sa pagsisigurado na ligtas at naaalagaan ang mga hayop sa ating teritoryo.
Gayundin, nakasaad sa nasabing batas na kinikilala ang ating bansa sa pagbibigay ng suporta sa Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora kung saan tututukan dapat ng bawat bansa na ang buhay ng mga mababangis na hayop at halaman ay hindi manganganib dahil sa pang-dayuhang negosyo.
Kasamang mahigpit na iingatan ay ang mga pating at kauri nito sa pagkamatay at paglaho ng tuluyan.
Hindi man opisyal na inaanunsiyo na nanganganib ang mga pating ngunit, dahil kakaunti na lamang ang kanilang lahi, patuloy na nababawasan ang kanilang populasyon dahil sa overfishing o ang pagkaubos ng bilang ng mga isda sa mahabang panahon nang dahil lamang sa kinokonsumo o kinakain ito ng tao.
Upang tuluyang maprotektahan ang mga ito ay nagsumite tayo ng panukalang-batas sa Senado na Sharks & Rays Conservation Act (Senate Bill 905) na naglalayong pagbawalan na ang paghuli, pananakit, pagpatay, pagbebenta at pagbili, pagtatago at pagpapadala sa ibang bansa ng mga pating at rays. Kapag naisabatas, isa sa mga pangunahing ipagbabawal ang pagkain nito sa pamamagitan ng sopas at iba pang menu sa mga restoran.
Mahalagang malaman ng kabataan ang kabuluhan nito sa kanilang pag-aaral upang habang bata pa ay matutunan nila ang malasakit sa pangangalaga ng ating mga hayop. Para kapag dumating ang panahon na sila na ang susunod na mamumuno at makikinabang sa ating ekolohiya at maging ang likas na yaman, walang maiiwanan dahil natutukan sila nang mabuti mula noon.
Kaya naman, ang payo natin na sa mga paaralan, barangay at lokal na pamahalaan at kinauukulang ahensiya na magsagawa ng information drive tungkol sa conservation of marine resources at ipalaganap ang kaalaman sa laman-dagat sa kabataang mag-aaral. Sa huli, ang edukasyon pa rin ng lahat ang unang solusyon sa ating mga suliranin.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




Comments