Bukod sa pagbabakasyon, mga lodi! 8 TRADISYON NGAYONG SEMANA SANTA
- Justine Daguno
- Apr 18, 2019
- 2 min read

NGAYONG Semana Santa ang panahon kung saan ginugunita nating mga Kristiyano ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoong HesuKristo. Gayundin, panahon ito ng pagninilay-nilay, pagdarasal, pagsasakripisyo at pagbabago.
Gayunman, kahit moderno na ang panahon, marami pa ring pamilyang Pilipino ang mayroong sinusunod na tradisyon tuwing Semana Santa.
Narito ang iba’t ibang tradisyon nating mga Pinoy tuwing Holy Week:
1. PALM SUNDAY. Noong nakaraang Linggo, muling iwinagayway ng mga Kristiyano ang kanilang mga palaspas. Ito ang simula ng Holy Week kung saan nagtitipun-tipon ang marami sa Simbahan na mayroong mga dalang palaspas upang magpabasbas. Ang tradisyon na ito ay tulad ng pangyayari kung saan sinalubong ng mga Israelita si HesuKristo nang pumunta ito sa Jerusalem. May paniniwala na ang pagtatago ng palaspas ay magdadala ng suwerte sa mga bahay.
2. PABASA. Isa ito sa pinaka-popular na tradisyon ng mga Pilipino. Mayroong grupo ng mga taong magbabasa ng mga dasal habang mayroon ding grupo na sasagot.
Kadalasan, ito ay ginagawa para sa buong komunidad, gayunman, may pabasa na ginagawa naman ng ibang pamilya para sa kanilang mag-anak.
3. MORIONES FESTIVAL. Sa Marinduque ito naging pinaka-popular, inaalala rito ang mirakulo ni Longinus, sundalong bulag ang isang mata na sumaksak sa tagiliran ni HesuKristo. Ayon sa kuwento, muli siyang nakakita matapos matalsikan ng dugo ni HesuKristo ang kanyang bulag na mata. Rito nagsimula ang kanyang paniniwala kung saan tumulong siya upang ikalat ang mabuting salita ni Hesus. Maskara ang ibig sabihin ng salitang “Morion” kaya nagsusuot ng maskara na may mukha ng sundalo ang mga nakikiisa sa okasyong ito.
4. SENAKULO. Ito ay dulang isinasagawa upang alalahanin ang mga paghihirap ni HesuKristo bago Siya ipako sa krus. Gayundin, mayroong isa pang uri nito kung saan ang mga deboto ay naglalakad sa init ng sikat ng araw habang hinahampas ng latigong tinik ang kanilang katawan, mayroon ding mga deboto na nagpapapako sa krus bilang parte ng kanilang panata.
5. FASTING AND ABSTINENCE. Bilang bahagi ng pagsasakripisyo, iniiwasan natin ang pagkain ng karne, gayundin, ang pag-iwas sa “guilty pleasure” tulad ng paninigarilyo, pag-inom ng alak, pagsusugal, pagkain ng mga paborito nating pagkain at iba pa. Ito ay “sakripisyo” ng bawat isa kasabay ng paggunita sa sakripisyo ni HesuKristo para sa lahat.
6. STATIONS OF THE CROSS. Ito rin ang tinatawag na Way of the Cross o Via Crucis. Ito ay relihiyosong tradisyon kung saan tayo ay nagdarasal habang pinagninilayan ang 14 na pangyayari mula nang ipinako sa krus si Hesus hanggang siya ay muling nabuhay.
7. SIETE PALABRAS. Ito ay ginagawa tuwing Biyernes Santo o Good Friday. Isinasadula rito ang pagkamatay ni HesuKristo at mayroon ding nagaganap na mahabang misa at madalas ay nagkakaroon ng prusisyon matapos ang misa.
8. SALUBONG. Tinatawag din itong “Pasko ng Pagkabuhay”, sa pagkakataong ito, inaalala natin ang muling pagkabuhay ni HesuKristo matapos ang tatlong araw. Pami-pamilya ang nagsisimba at tunay na natutuwa sa muling pagkabuhay ni HesuKristo.
Anuman ang mga tradisyon na nakasanayan nating sundin at gawin, huwag nating kalilimutang isaisip at isapuso ang tunay na kahalagahan nito.
Okie?





Comments