top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

14 timbog sa droga

Maeng Santos
Apr 18, 2019
2 min read

LABING-APAT katao ang arestado sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Malabon at Valenzuela Cities.

Walo ang nahuli kabilang ang dalawang umano’y drug pushers na target sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Malabon City, Miyerkules ng madaling-araw.

Ayon kay Malabon Police Chief P/ Col. Jessie Tamayao, alas-4:30 ng madaling-araw nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Team (SDET) at Police Community Precinct (PCP) 6 sa pangunguna ni PLt. Rolando Domingo ang buy-bust operation sa no. 37 Rivera St., Bgy. Tañong kontra kina Felix Peloton alyas Gido, 38, at Jose Peña, 24, ng Dayangdang, Naga City.

Matapos iabot ng mga suspek ang sachet ng kush kay PCpl. Richard Chis Sevilla na nagpanggap na buyer kapalit ng P1,500 marked money, agad sumugod ang iba pang mga operatiba at sinunggaban sina Peloton at Peña.

Arestado rin sina John Repert Gonzales, 38; Michael Angelo Conson, 32, tattoo artist; Jasper John Sonido, 32, call center agent; Jhossan Venni Sanchez, 32; Christian Cruz, 38, at Zeus Jino Ong, 29, matapos maaktuhan ng mga operatiba na sinusuri at pinaghahambing ang mga piraso ng sachets ng hinihinalang kush at marijuana.

Samantala, timbog din ang anim na iba pa sa buy-bust operation na isinagawa sa Valenzuela City.

Ayon kay Valenzuela Police Chief P/ Col. David Nicolas Poklay, alas-12:30 ng madaling-araw nang ikasa ng mga operatiba ng SDEU sa ilalim ng pangangasiwa ni P/ Maj. Jowilouie Bilaro ang buy-bust operation sa pangunguna ni P/ Capt. Segundino Bulan, Jr. kontra kay Lita Lee, 40, sa Bagong Sikat St., Purok 4, Mapulang Lupa sa koordinasyon sa PDEA.

Nang iabot ni Lee ang sachet ng shabu na nagkakahalagang P300 kay PCpl. Rosquita na umaktong buyer, agad itong dinakma ng mga operatiba habang nakapuga ang kanyang kasama na si Nelson Macugay, 41.

Timbog din sina Regino Macugay, Jr., Janriel Ramos, Mark Anthony Macugay at Jhayson Carlos matapos maaktuhang bumabatak ng shabu sa loob ng bahay sa naturang lugar at narekober ang ilang drug paraphernalias.

Ani SDEU Investigator PSSgt. Julius Congson, narekober kay Lee ang buy-bust money at P100 bill habang nakuha kay Regino ang isang sachet ng hinihinalang shabu habang kasamang inaresto si Michelle Beltran alyas “Yeye”, 28, factory worker matapos tulungang makatakas si Nelson.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page