top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Wanted ‘pag ‘di nagbigay ng P200-K, palalabasing nanlaban | UTOS NI HEPE: PERA O BUHAY

Jeff Tumbado
Apr 17, 2019
2 min read

ARESTADO ang police official matapos ang ikinasang entrapment operation ng PNP-Counter Intelligence Task Force (CITF) at Intelligence Group (IG) ng Cordillera Provincial Police sa Baguio City, kamakalawa ng hapon.

Hindi na nakapalag nang sunggaban ng dalawang operating team si Police Lt. Col. Allan Docyogen, ilang sandali matapos umano nitong tanggapin ang P50,000 cash mula sa lalaking hinuli.

Si Docyogen ay nakatalaga sa Baguio City Police Office (BCPO) bilang hepe ng Intelligence Unit.

Ayon kay CITF Commander Police Col. Romeo Caramat, Jr., nag-ugat ang entrapment operation dahil sa inihaing reklamo ng lalaki na kanilang hinuli.

Base sa sumbong ng lalaki, kinikikilan umano ito ni Docyogen ng P200,000 bilang kapalit sa hindi paghuli sa kanya.

Paliwanag ng biktima, una siyang inaresto ng mga tauhan ni Docyogen dahil sa inilabas na warrant of arrest ng Lucena City Regional Trial Court (RTC) sa kasong robbery.

Gayunman, napag-alaman na bukod sa arrest warrant ng Lucena RTC ay may hiwalay pa na warrant na lumabas mula sa ibang korte na kahalintulad sa kaso.

Rito na umano hiningan ni Docyogen ang lalaki ng naturang halaga kapalit ng hindi paghuli at hindi pagpatay sa kanya sa gagawing kunwaring panlalaban nito sa operasyon.

Sa kalagitnaan ng negosasyon ay nakiusap ang biktima na P50,000 muna ang inisyal na ibibigay nito na sinang-ayunan ng pulis.

Lingid sa kaalaman ni Docyogen ay napilitan nang humingi ng saklolo ang biktima sa PNP-CITF sa hinalang papatayin din siya ng mga operatiba kapag naibigay na ang kabuuang halaga ng hinihingi nito.

Sa kahabaan ng national highway sa Bgy. Azco, isinakatuparan ang pagdakip kay Docyogen habang nasa loob ito ng kanyang puting van ilang sandali matapos tanggapin ang marked money mula sa biktima.

Nakatakdang dalhin ang police official sa headquarters ng PNP-CITF sa Camp Crame para sa kustodiya nito kasabay ang paghahain ng kaukulang kaso laban sa kanya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page