SCORPIONS, NILUNOD ANG MARINERO, 6TH WIN ITINALA SA D-LEAGUE
- BULGAR

- Apr 17, 2019
- 1 min read

IGINUPO ng Centro Escolar University ang Marinerong Pilipino, 93-76, upang makamit ang ika-6 na sunod nilang panalo kahapon sa 2019 PBA D-League sa JCSGO Gym sa Cubao.
Pinamunuan ni Senegalese center Maodo Malick Diouf ang Scorpions upang masungkit ang panalo matapos isalansan ang 10 sa kanyang kabuuang 22 puntos sa fourth quarter upang giyahan ang kanilang team sa pagtatala ng 32 puntos sa final canto.
Bukod doon ay nagtala rin si Diof ng 19 rebounds, 3 assists, at 3 ding steals upang pangunahan ang CEU sa panalong nagpatibay sa kanilang pamumuno sa Foundation Group.
Nakapag-ambag din sa panalo si Keanu Caballero na may 17 puntos, 6 assists, 3 rebounds, at 2 steals kasunod si Tyron Chan na may 15 puntos, 7 rebounds at assists. “We just got to be ready for every situation. Marinero was able to catch up and get the lead, but we’re able to regroup, kept our poise, and played defense. That’s what has been keeping us to where we are,” ang pahayag ni CEU coach Derrick Pumaren.
Nagtapos na leading scorer si Anton Asistio para sa nabigong Skippers sa iniskor nitong 17 puntos kasunod si Kib Montalbo na tumapos na may 16 puntos. Sanhi ng kabiguan, nalaglag ang Marinero sa patas na markang 3-3, panalo-talo. (VA)





Comments