Pre-demolition conference ng PCUP, umarangkada na!
- BULGAR

- Apr 17, 2019
- 2 min read

BILANG “direct link” ng maralita sa pamahalaan, sineseryoso ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ang pangangalaga sa mga karapatan ng mahihirap kaya naman, aktibo ang komisyon sa pagtulong sa mga kapatid nating maralitang tagalungsod.
Isa sa ibinibigay na tulong ng PCUP ay ang assistance sa demolisyon o ebiksiyon. Para sa inyong kaalaman, ang komisyon ay nagsasagawa ng Pre-Demolition Conference (PDC) para sa mga kababayan nating maapektuhan nito.
Tanong: Magandang araw, Sir Alvin! Ako si Alma, gusto kong malaman kung ano ang eksaktong isinasagawa sa PDC? Maraming salamat!
Sagot
Magandang araw din sa'yo, Alma. Tulad ng nabanggit natin sa mga nakaraang column, kasama sa programang inihahatid ng PCUP ang Social Preparation. Ang mga usapin dito ay karaniwang umiikot sa human development, livelihood, basic orientation sa mga programa ng gobyerno, pati na rin ang multi-sectoral dialogue at dispute o conflict management na siya namang kinabibilangan ng PDC.
Ang PDC ay pagpupulong na naglalayong makasiguro na ang isasagawang demolisyon ay naaayon sa nakasaad sa Republic Act No. 7279 o Urban Development and Housing Act, partikular na ang Section 28. Maliban dito, isa rin itong requirement upang mabigyan ng police assistance sa isasagawang demolisyon.
Ipinatatawag ng komisyon ang mga may-ari ng lupa, apektadong pamilya o sinumang tao na nagpapaalis pati na rin ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno tulad ng DILG, PNP, NHA, DSWD, CHR at ang local na pamahalaan sa pagsasagawa ng nasabing demolisyon.
Ito rin ay pagsisiguro ng PCUP na maisasagawa ang “no demolition without relocation policy” na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte at ang mamamayang maapektuhan ng demolisyon ay makatatanggap ng tama at sapat na ayuda.
Maliban sa mga nasabing programa ay antabayanan din ang inilulunsad na three priority programs ng komisyon na tiyak na makapagbibigay-serbisyo sa libu-libong Pilipino.
Kung kayo po ay interesado, may katanungan o suhestiyon, maaari po kayong bumisita o mag-message sa PCUP Official FB Page na www.fb.com/pcupPH, hanapin ang hashtag na #PCUPatyourService o mag-email sa pcup.media2019@ gmail.com upang higit pang matutunan ang tungkol sa ahensiya ng mga maralita.





Comments