top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Iba't ibang mga pagbabago na mararanasan ng kabataan sa puberty stage

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 17, 2019
2 min read

Dear Doc. Shane,

Ako ay mayroong isang anak na lalaki, siya ay 13 years old na at kamakailan lang siya nag­patuli. Anu-ano ba ang kaka­ibang pagbabagong mararanasan ng kabataan? Gusto ko kasing ma­pag­handaan niya ito upang madali siyang makapag-adjust. — Melissa

Sagot

Ang panahon ng adolescence ay bahagi sa buhay ng tao kung kailan nagaganap ang pinakamalaki at pinakamabilis na mga pagbabago sa maraming aspeto ng pagkatao. Ang mga pagbabagong ito ay napaka­halaga at tiyak na makaaapekto sa buhay ng indibidwal at sa pakiki­tungo niya sa lipunan na kanyang ginagalawan. Sa panahong ito, pinakamabilis na nahu­hubog ang personalidad, kakayahan, kaalaman at pag-angkop sa mga kaganapang emosyunal.

Kailan nagaganap ang mga pagba­bago sa tao?

Walang espesipikong panahon na maiuugnay kung kailan magaganap ang mabilis na pagbabago sa pagkatao ng bawat indibidwal. Ang panahon ng mga pagbabagong pisikal, emosyunal, seksuwal at iba pang aspeto ay naiiba-iba sa bawat tao. Isa sa mahahalagang pagbabago na nagaga­nap sa adolescence period ay ang pagbabago sa hubog ng pangangata­wan ng indibidwal mula sa pagiging bata patungo sa panahon ng pagbibi­nata o pagdadalaga.

Ang mga panahong ito na tinatawag na puberty stage ay binubuo ng mga sumusunod na pagbabagong pisikal:

  • Pagtubo ng mga buhok sa ilang bahagi ng katawan tulad ng kilikili, mukha na partikular sa kalalakihan at sa maseselang bahagi ng katawan sa parehong kasarian.

  • Mabilis na pagtangkad.

  • Paglapad ng balikat sa kalalakihan at balakang naman sa kababaihan.

  • Paglalim ng boses ng kalalakihan.

  • Paglaki ng mga dibdib ng kababaihan.

  • Pagsisimula ng menstrual cycle o buwanang dalaw sa kababaihan.

Ang mga pagbabagong ito ay dulot ng pagtaas ng mga lebel ng hormones: Testosterone sa mga lalaki at estrogen sa mga babae.

Tamang edad lamang na 13 ang pagpatuli mo sa anak mong lalaki, lalo na at bakasyon ngayon kung saan marami ang nagsasagawa at sumasailalim dito (circumcision).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page