Ilang Pinoy, mas gustong magtrabaho sa abroad; skilled workers sa bansa, kulang na!
- Ryan B. Sison
- Apr 16, 2019
- 1 min read

TRABAHO, marami ang dumaraing nito, lalo na ‘yung mga Pinoy na hindi nakapagtapos ng kolehiyo.
Noon pa man, pahirapan ng mag-apply kapag ang indibidwal ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral dahil isa ito sa mga ginagawang basehan ng kanilang kakayahan.
Gayunman, dahil dito ay maraming Pinoy ang ginugusto na lang magtrabaho sa ibang bansa dahil mas malaki ang kanilang maaaring kitain doon.
Kaya naman ngayon, tayo ang umaaray dahil ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), nagkukulang na umano ang mga skilled worker sa bansa, lalo na ngayong sinimulan ang “Build, Build, Build Program” ng gobyerno.
Samantala, ngayon ay in-demand ang mga engineer at construction worker sa bansa kaya lang nahihirapan ang sektor na punan ang mga bakanteng puwesto dahil mas gusto nilang sa ibang bansa magtrabaho kung saan isa sa mga dahilan nito ay ang kakulangan sa suweldo na hindi napapantayan ang kanilang pagtatrabaho.
Kaya ang panawagan ng ahensiya, itaas ang suweldo ng manggagawang Pilipino nang sa gayun ay hindi na sila makikipagsapalaran sa ibang bansa na sa totoo lang ay may pahamak na dulot sa kanilang buhay, gayundin na nagiging dahilan para maisakripisyo nila ang oras na dapat naibibigay nila sa kanilang mga mahal sa buhay.
Sa katunayan, bilib tayo sa mga overseas worker, pero kung kaya ng pamahalaan na sila ay mapanatili na lamang sa bansa, gawin ito!
Bansa ay pagyamanin, ang mga Pilipino ay bigyan ng tamang suweldo!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments