HOME FIBR, UMENTRA NA SA BEST-OF-3 SEMIS SA SUPERLIGA
- BULGAR

- Apr 16, 2019
- 2 min read

NAGPAULAN ng blockings ang PLDT Home Fibr upang ganap na ilaglag ang Generika-Ayala, 25-15, 25-20, 24-26, 25-27, 15-12 sa sudden-death quarterfinals ng Philippine Superliga Grand Prix sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Malakas na depensa ang pinakawalan nina Imports Grace Lazard at Kendra Dahlke sa deciding set para makapasok ang Power Hitters sa unang pagkakataon sa semifinals sa prestihiyosong women’s club.
Sa naturang panalo, pormal nang pumasok ang PLDT sa best-of-three semifinal duel laban sa dating kampeon, ang F2 Logistics, na nanganib pang malaglag sa eliminasyon bago tinalo ang Foton sa quarterfinals.
Samantala, haharapin ng reigning titlist Petron ang Cignal sa iba pang semifinal pairing ng bakbakan na isinasaere ng ESPN5 at 5Plus.
Nakagawa si Dahlke ng 33 kills at 4 blocks upang tumapos na 37 puntos habang ang defense-minded na si Lazard ay may 17 kills at 7 blocks para sa 25 puntos na effort para sa PLDT na pumasok sa quarterfinals bilang 3rd seed.
Impresibo rin sa puntos sina Aiko Urdas na may 16 points, maging si Lizlee Pantone na may 20 digs bago na-injured nang maaga sa 5th set.
Makaraang magpakabog sa 5th set, 0-4, apat na blocks ang binanatan ni Lazard, isang pares ng atake at ibinalik ang tikas bilang tagapanguna, 7-6.
Nagawa pang maipatas ng Thai import na si Kanjana Kuthaisong ang laban sa 12 bago humalibas sina Dahlke at Lazard ng back-to-back hits at bigyan ang Power Hitters ng match point. Nagpakawala ng malakas na banat si Dahlke hanggang sa iselyo ang panalo.
Sinikap man ng Lifesavers na ilaban ang isang puntos, pero ayon sa challenge system, isang iskor iyon na pabor sa Power Hitters.
May 22 puntos si Kuthaisong habang si Angeli Araneta ay may 21 para sa Lifesavers na nagsara na ang kampanya kasunod ng injured na si Brazilian import Nikolle Del Rio sa una niyang laban ngayong season.
Impresibo rin sina Kseniya Kocyigit, Fiola Ceballos at Marivic Meneses na may pinagsamang 31 puntos.
Ang malas lamang, nasayang ang kanilang effort dahil malakas ang depensang nagawa ng Power Hitters sa 5th set. (MC)





Comments