GM GOMEZ, IM BERSAMINA AT IM MENDOZA, BIDA SA MONGOLIA

NAITAKAS nina Grandmaster John Paul Gomez , International Master Paulo Bersamina at Woman IM Shania Mae Mendoza ang magkakahiwalay na tagumpay sa penultimate round ng Eastern Asia Chess Championships FIDE Zone 3.3 Open sa Ulaanbaatar, Mongolia.
Tinalo ni Gomez, 8th ranked sa paligsahan at may rating na 2460, si FIDE Master Ganzorig Amartuvshin ng Mongolia upang iangat ang kanyang produksiyon sa 5.5 puntos at makasampa siya sa panglimang puwesto. Kasama sa maningning na panalo ng Pinoy sa paligsahan ay ang paggapi niya kay Mongolian GM Bazar Khatanbaatar noong round 2.
Isang Mongolian din ang dinaig ni Bersamina (no. 11 sa pre-tournament forecast at may rating na 2444) sa katauhan ni FM Tsedvee Lkhagvasuren tungo sa paglikom ng kabuuang limang puntos at pag-akyat sa pampitong baytang. Sa round 7, nakapagposte rin ang Pinoy ng panalo kontra kina Mongolian FM Byamvasuren Garidmagnai at kay Mongolian GM Tsegmed Batchuluun sa pangalawang round.
Sa kababaihan, bagamat 16th seed lang sa kompetisyon, swak na sa top 10 si Mendoza (may rating na 2156) matapos niyang pabagsakin ang hamon ni WIM Ngoc Bich Phan ng Vietnam sa round 8. At sa tulong din ng panalo kay Mongolian WIM Bayarjargal Bayarmaa noong round 7, ang Pinay ay mayroon nang limang puntos na sapat para sa pagkapit nito sa pampitong puwesto.





Comments