Enforcer sinusuhulan ng P100, trike driver kulong
- Maeng Santos
- Apr 16, 2019
- 1 min read

KALABOSO ang isang tricycle driver nang tangkaing suhulan ang traffic enforcer at magwala pa sa loob ng himpilan ng pulisya dahil sa paglabag sa batas-trapiko sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.
Nahaharap sa mga kasong paglabag sa Land Transportation and Traffic Code, Corruption of Public Officials, Alarm and Scandal at Unjust Vexation si Arnel Tero, 39 ng 1109 S. Reyes. St. Sta. Cruz, Manila.
Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. David Nicolas Poklay, nagpapatrulya sa kahabaan ng McArthur Highway sina Motorcycle Traffic Enforcers Gerry Reyes at Darwin Talino ng Traffic Management Division nang mamataan ang rumaragasang tricycle na minamaneho ni Tero malapit sa mismong tapat ng himpilan ng pulisya.
Dahil bawal na dumaan ang mga tricycle sa naturang highway, hinabol at pinigil ng dalawang traffic enforcers si Tero at nang walang maipakitang “Supervision Permit” sinabihan siya na iisyuhan ng ordinance violation receipt (OVR) na kailangan niyang bayaran ng multa.
Upang hindi maisyuhan ng tiket, tinangka umanong suhulan ng P100 ni Tero ang mga enforcer na naging dahilan upang dalhin siya sa himpilan ng pulisya upang ireklamo ng panunuhol.
Habang ipinaliliwanag sa Station Investigation Unit (SIU) ni SMSgt. Israel Aguinaldo ang kanyang kinahaharap na kaso, nagwala at nilait-lait pa ng suspek ang pulis kaya isinelda ito.





Comments