April 17 hanggang 22, walang coding — MMDA
- Gina Pleñago
- Apr 16, 2019
- 1 min read

SUSPENDIDO ang pagpapatupad ng Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila kaugnay sa paggunita ng Semana Santa.
Ayon sa abiso ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), bukas, Miyerkules Santo (Abril17) hanggang sa Lunes (Abril 22) ay suspendido ang UVVRP o number coding.
Ang suspensiyon ng number coding ay para tiyakin na may sapat na public utility vehicles na makakapagserbisyo sa maraming mananakay na magtutungo sa kanilang mga probinsiya Ibabalik ang pagpapatupad ng number coding sa Martes, Abril 23.
Samantala, daan-daang pasahero ang maagang nairita dahil sa pahirapang pagsakay ng pampublikong sasakyan patungo sa kanilang trabaho sanhi ng umano’y tigil-operasyon ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) mula kahapon
Ang pansamantalang shutdown ng LRT at MRT ay para sa taunang maintenance o pagsasaayos at pagkukumpuni ng mga pasilidad nito sakop na rito ang riles.
Naging kalbaryo ang sinapit ng mga pasahero sa MRT EDSA-Pasay Taft Station na dumanas ng hirap sa pag-aabang ng masasakyang bus papuntang Makati, Mandaluyong, Pasig at Quezon City.
Ilang oras na naghihintay ng bus ang mga pasahero sa Malibay dahil sa Baclaran pa lamang,tayuan at siksikan na tila sardinas ang city buses na nagresulta sa pagkaka-stranded ng mga commuter at late pa sa kanilang trabaho.
Napilitan sumakay ang ilang pasahero sa habal-habal patungo sa kanilang destinasyon.
Inaasahan din ng mga pasahero ang pahirapang pagsakay muli ng bus o jeep papauwi sa kani-kanilang bahay pagkatapos ng oras ng kanilang trabaho kahapon ng gabi.





Comments