SINO SA 2ND STANDINGS, REVELLERS O SCRATCHERS?


MAKATABLA ng Ironcon-UST at St. Clare-Virtual Reality sa ikalawang puwesto ng kanilang grupo ang tatangkain ng Che’Lu Bar and Grill ngayong hapon sa pagtutuos nila ng Go for Gold-CSB sa pagpapatuloy ng 2019 PBA D-League sa JCSGO Gym sa Cubao.
Nakatakdang magharap ang Revellers at ang Scratchers sa huling laro ganap na 3 p.m. kasunod ng unang laban sa pagitan ng AMA Online Education at ng Batangas-EAC sa ganap na 1 p.m.
Magmumula sa tatlong linggong pagkabakante, sisikapin ng Revellers na kasalukuyang nasa solong ikatlong puwesto ng Aspirants Group hawak ang barahang 3-1, panalo-talo, na dugtungan ang naitalang back-to-back wins, pinakahuli kontra McDavid sa iskor na 109-99 noong Marso 25 sa nasabi ring venue sa Quezon City.
Inaasahan ni coach Steven Tiu na mai-develop ng Revellers ang tinatawag na “killer instinct” dahil nakagawian na ng kanyang koponan ang mag-relax kapag lumalamang ng malaki sa kalaban. “Yun talaga ang kailangan naming i-address lalo na against stronger and faster teams. Kasi may tendency talaga kami na mag-relax,” pahayag ni Tiu. Sa panig naman ng Scratchers, magtatangka ang mga ito na masundan ang naitalang bounce back win kontra Batangas-EAC noong Abril 4 sa iskor na 102-87 upang umangat mula sa kinaluluklukan nitong ikalimang posisyon hawak ang markang 2-3.
Samantala sa unang laban, mag-uunahan namang makapagtala ng ikalawa nilang tagumpay ang mga Aspirants squads ding AMA Online Education at Batangas-EAC.
Magkasunod ngayon sa ika-6 at ika-7 puwesto ng Aspirants Group ang Titans at ang Generals bitbit ang kartadang 1-3 at 1-4, panalo-talo ayon sa pagkakasunod. (VA)
Mga laro ngayon sa JCSGO GymCubao:
1 p.m. - AMA Online Education vs Batangas-EAC
3 p.m. - Go for Gold vs Che’Lu Bar and Grill





Comments