ROS, NANAMBAK SA GAME 2, PAKABOG NA!


LUMALAPIT ang Rain or Shine sa pagsampa sa championship round matapos kaldagin ang Magnolia Hotshots, 93-80, sa Game 2 ng best-of-seven semifinals ng PBA Philippine Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
Kumana si Ed Daquioag ng 19 points at tigatlong rebounds at assists upang tulungan ang Elasto Painters na ilista ang 2-0 serye. Hinarurot ng Rain or Shine ang unang dalawang periods, kinapitan nila ang nine-point lead, 50-41, sa halftime. Patuloy ang pananagasa ng Elasto Painters sa third canto kaya lumobo ang kanilang bentahe sa 16 puntos, 73-57, papasok ng fourth period.
Sa payoff period, inalagaan na lamang ng RoS ang malaking bentahe upang makuha ang panalo.
Samantala, mas lalong maghahanda ang defending champion San Miguel Beer dahil alam nilang doble ang lakas na haharapin nila sa Game 2 kontra No. 1 seed Phoenix Fuel Masters. Nakauna ang Beermen sa kanilang best-of-seven semis series pero hindi magre-relax si coach Leo Austria.
“You can never know what will happen. Phoenix is the No. 1 seed before the playoffs. They’re capable of bouncing back hard,” saad ni Austria matapos nilang sikwatin ang 100-88 panalo sa opener noong Sabado.
Ayon pa kay Austria may mga game plan na sila para makaisa muli sa Fuel Masters. “You cannot count Phoenix out,” ani Austria. “Hopefully, makapag-prepare kami ng maayos and ma-execute ulit namin ng tama ang gameplan namin sa kanila for Game 2.”
Muling kakapitan ng Beermen sina Alex Cabagnot, five-time Most Valuable Player, (MVP) June Mar Fajardo at Arwind Santos. “Sana maging consistent kami at mangyari uli iyon,” hayag ni Austria. “We have to focus on our next game.” (ATD)
Laro ngayon: (Araneta Coliseum)
7:00 p.m. - Phoenix vs San Miguel Beer





Comments