Kaya pinipigilan ang mga bansa na makipagkaibigan sa mga Intsik | China, karibal ng U.S. sa titulong
- BULGAR

- Apr 15, 2019
- 2 min read
ALAM naman natin kung bakit panay ang banat ng diyaryong Philippine Daily Inquirer kay Pangulong Rodrigo Duterte. Mula pa noong EDSA I, diyosa na nila si dating Pangulong “Cory”Aquino at ang relihiyon nila ay “dilawan”.
Malaki ang pakinabang ng mga may-ari ng diyaryong ito, ang angkang Rufino-Prieto sa pagsisipsip nila sa dilawang pangulo.
Isipin natin mula pa noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, kumikita sila ng limpak-limpak sa rentang kinukuha sa mga tindahan at mall ng Mile-Long` sa Makati, eh, pag-aari pala ito ng gobyerno!
Daan-daang milyon ang kinikita nila, pero napakaliit lang ng kanilang ibinabayad sa gobyerno.
Si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang unang nagsabi sa kanila na isauli na nila ito sa gobyerno kaya naman panay ang banat ng dilawang diyaryo sa kanya.
Si Pangulong Duterte naman ang tuluyang sumipa sa mga ito sa Mile-Long. ‘Yun, panay ang banat ng dilawang diyaryo sa kanya.
Hindi lang ito ang ugat ng galit nila kay Pangulong Duterte.
Hinahabol kasi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kumpanya ng mga Prieto na Dunkin’ Donuts dahil hindi raw tama ang ibinayad nitong daang milyong buwis ng maraming taon.
Pera-pera talaga ang madalas na dahilan ng “banatan” sa politika.
Ang hindi alam ng marami, Amerikanong grupo ang nagpopondo sa apat na internet-based media na panay ang banat kay Pangulong Duterte.
Unang-una rito ay ang Rappler na binigyan umano ng P200 milyones ng dalawang Amerikanong grupo. Marahil, ito ang dahilan kaya ipinasasara ito ng Securities and Exchange Commission.
Pinagbabawalan ng Konstitusyon na magkaroon ng kahit isang kusing na pondo ang mga banyaga sa media. Tama naman ito, para maging limitado ang impluwensiya ng mga banyaga sa masa.
Ang tatlong internet-based media na panay ang banat kay Pangulong Duterte ay ang Philippine Center for Investigative Journalism, Vera Files at Center for Media Freedom and Responsibility.
Amerikanong grupo umano ang nagpopondo ng mga ito tulad ng Asia Foundation at National Endowment for Democracy.
Eh, bakit inuutusan ng mga Amerikano ang tatlong media na pinopondohan nila para banatan nang banatan si Pangulong Duterte?
Ayaw nila kay Pangulong Duterte kaya gusto nilang pabagsakin ang pangulo sa lalong madaling panahon. Bakit?
Marami itong rason at isa na rito ay dahil sina Pangulong Duterte at ex-P-Arroyo ang tanging mga pangulo na ayaw maging utusan ng mga Amerikano.
Gusto ng mga Amerikano na huwag tayong makipagkaibigan sa China na karibal nila sa ‘titulong superpower’ sa Asya.
Eh, sina Pangulong Duterte at ex-P-Arroyo naman, ang tingin ay dapat maging kaibigan natin ang China, lalo na dahil makikinabang tayo sa napakalaking ekonomiya nito.
Ang China ay biglang naging napakayamang bansa sa loob lamang ng tatlong dekada. Halos pantayan na nila ang Estados Unidos sa yaman at lakas ng kanilang military.
Ang malaking problema ng mga Amerikano ay nasa Asya ang China. Napakalayo naman talaga ng Estados Unidos.
Dahil dito, tiyak na magiging pinakaimportante ang China sa mga darating pang panahon at hindi rin malayong matalo nila ang Estados Unidos.
Mawawala ang paghahari-harian ng mga Amerikano sa Asya kaya pinipilit nilang huwag itong mangyari.
Kaya sobrang gusto nilang pabagsakin o pahirapan ang isang lider ng bansa na tulad ni Pangulong Duterte na gustong kaibiganin ang China.
Ang gusto nilang mamuno sa Pilipinas ay ang tulad ni ex-P-Noy na nauutusan nila at ayaw makipagkaibigan sa China.





Comments