Dahilan kaya pumapalpak ang pagpapapayat
- BULGAR

- Apr 15, 2019
- 3 min read
Dear Doc. Shane,
Ako ay 39 years old at nang manganak ako sa pangatlo kong anak ay tumaba nang husto ang aking katawan. Sa sobrang busy ko sa trabaho, wala na akong panahon para magpapayat o magbawas ng timbang, gayundin, hindi ako makapag-ehersisyo sa gym dahil may kamahalan ang membership fee. Sa totoo lang, halos wala na akong kinakain sa almusal, pero hindi pa rin nababawasan ang aking timbang. Anu-ano ba ang mga dapat kong iwasan? — Diday
Sagot
Dahil sa kagustuhan nating pumayat agad, marami ang naniniwala at sumusubok sa mga diyetang hindi tama na imbes na makatulong sa pagpapapayat ay lalo pang nagpapalala ng problema.
Narito ang ilan sa mga ito:
Crash diet — ang hindi pagkain sa paniniwalang papayat dahil ginagamit ng katawan ang tabang naimbak ay hindi nakatutulong sa pagbabawas ng timbang. Ang uri ng diyetang ito ay maaaring maka-shock sa utak at katawan kaya madalas ay nagiging mainitin ang ulo, palaging wala sa mood o madalas ay nagiging matamlay ang pangangatawan. Sa kasamaang-palad, ang hindi pagkain ay maaaring magdulot ng pagbaba ng metabolismo ng katawan kaya hindi pa rin papayat kahit na kakaunti lang ang kinakain.
Hindi pagkain ng almusal — ang almusal ang pinakamahalagang pagkain sa buong araw, kapag hindi nakapag-almusal, asahang hindi makapagko-concentrate sa gawain kaya ang mangyayari ay kakain tayo nang paunti-unti nang hindi natin namamalayang marami na pala ang nakakain natin.
Low fat diet — dahil sa paniniwala na ang pagkain ng matataba ay nakatataba, madalas ay nakaliligtaan natin na hindi lamang ang fats ang nakatataba kundi ang pagkain ng sobrang calories. Ang taba o fats ay nagbibigay ng 9 calories bawat gramo, dinodoble ang calories ng carbs at protina ngunit, huwag kalilimutang kapag sumobra ang carbs at protina kahit wala nang kinaing taba ay tataba pa rin dahil sa sobrang calories.
Madalas na pag-inom — ang pag-inom bago kumain ay nakatutulong upang mabawasan ang calories na kinakain sa kadahilanang agad mabubusog ngunit, huwag kalimutan na tubig lamang ang maiinom na walang calories; ang isang basong juice ay mayroong 20 calories at ang isang bote ng softdrinks ay may 100 calories kaya ang madalas na pag-inom nito ay nakatataba. Upang mabawasan ang kinakaing calories, uminom ng tubig bago kumain at basahin ang food label kung ilang calories mayroon ang bawat inumin upang maiwasan ang pagbawi ng calories sa hindi pagkain ng calories mula sa ating inumin.
Fastfood — ang mga pagkain sa fastfood chain kahit maliliit ang servings ay mataas sa calories at asin kaya kahit maliit lamang ang kinakain kung napadadalas ay mananatili pa ring mataba. Iwasan ang fastfood hangga’t maaari ay kumain ng lutong-bahay at panatilihing balanse ang go, grow at glow foods sa bawat hainan.
Madalas na pagtimbang — ang tamang pagbabawas ng timbang ay ang pagbawas ng 1 pound lamang sa isang linggo, huwag i-pressure ang sarili na makapagbawas ng 5-kilo sa isang linggo, ito ay imposible at kung mangyari man ay makasasama sa katawan. Matagal-tagal bago makita ang resulta sa pangangatawan kaya huwag mawalan ng pag-asa at palaging isipin na ang kapalit ng lahat ng pagsisikap sa pagpapapayat ay higit pa sa lahat ng sakripisyo.
Hindi pag-eehersisyo — ang hindi pag-eehersisyo ay dahilan kaya nagiging losyang ang ibang matatabang pumayat dahil sa pagdidiyeta. Palaging tandaan na ang pag-eehersisyo ay nakatutulong upang muling bumalik ang dating pangangatawan.
Ang mga nabanggit sa itaas ay ilan lamang sa mga pagkakamaling ginagawa ng mga matataba upang pumayat dahil sa mga maling paniniwala. Tandaan, ang tamang pagpapapayat ay binubuo ng tamang nutrisyon at sapat na pag-eehersisyo.




Comments