Basehan na ang mamamayan ay urban poor o maralitang tagalungsod, alamin!


ISA ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa mga ahensiya ng gobyerno na nangangalaga at kumakalinga sa mga kababayan nating maralitang tagalungsod. Ang PCUP ay nagsisilbing “direct link” o direktang tagapag-ugnay ng urban poor sa gobyerno sa pagbubuo ng polisiya at programa na direktang makaaapekto sa kanilang pag-unlad.
Ang pangunahing tinutulungan ng PCUP ay ang mga kababayan nating kinikilala bilang mga urban poor. Sila rin ang tiyak na mauunang makabenepisyo sa ating tatlong priority programs na PCUP Caravan, Adopt-a-Community at Urban Poor Privilege Card. Ano nga ba ang basehan para ang mamamayan ay masabing urban poor?
Tanong: Magandang araw, Sir Alvin! Nais kong malaman kung paano masasabing urban poor o kabilang sa maralitang tagalungsod ang isang tao? Thank you! — Emman
Sagot
Magandang araw, Emman! Para sa inyong kaalaman, ang urban poor ay indibidwal o pamilya na nakatira sa kalunsuran o urban areas na ang buwanang kita ay nasa o mas mababa pa sa idineklarang poverty threshold ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Kadalasan, ang mga urban poor ay underprivileged and homeless citizen na hindi kayang mapunan ang minimum basic needs tulad ng pagkain at tirahan.
Ayon sa inilabas na report ng PSA noong Miyerkules, ang poverty threshold ay nasa P70 kada araw o P10,481 kada buwan sa pamilya ng lima katao. Kabilang dito ang gastusin para sa food at non-food requirements tulad ng bayarin sa tubig, kuryente, renta sa bahay at iba pa.
Ang urban poor din ay mga kababayan nating nakatira sa mga informal settlement o iskuwater, resettlement site, sidewalk, dumpsite, kalsada, sementeryo, idle private o government land, nakatira sa danger zone, waterways o iba pang lugar na ipinagbabawal sa batas. Ang urban poor ay kadalasang walang kasiguraduhan sa paninirahan.
Sila ang mga kababayan nating binibigyan natin ng pagkakataon na mapakinggan ang boses at pagkakataong makilahok sa mga programa na makatutulong sa kanila.
Kung kayo po ay interesado, may katanungan o suhestiyon, maaari po kayong bumisita o mag-message sa PCUP Official FB Page na www.fb.com/pcupPH, hanapin ang hashtag na #PCUPatyourService o mag-email sa pcup.media2019@ gmail.com upang higit pang matutunan ang tungkol sa ahensiya ng mga maralita.





Comments